BEIRUT, Lebanon – Nagsagawa ng panibagong serye ng airstrikes ang Israel sa southern Lebanon nitong Sabado ng gabi, ayon sa Lebanese state media, matapos ang mga naunang pag-atake sa araw na iyon na ikinamatay ng anim katao sa gitna ng umiiral na ceasefire sa pagitan ng Israel at Hezbollah.
Ang mga bagong strike ay isinagawa matapos iutos ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa militar na “forcefully attack Hezbollah targets,” kasunod ng alegasyon ng hukbo ng Israel na nilabag ng grupo ang tigil-putukan.
Ayon sa Lebanese health ministry, “Israeli enemy strikes on a truck and a motorbike in the town of Yohmor al-Shaqeef in the Nabatieh district killed four people,” habang isa pang pag-atake sa Safad al-Battikh sa Bint Jbeil district ay nagresulta sa dalawang patay at 17 sugatan.
Sinabi naman ng Israel military na “eliminated” nila ang tatlong Hezbollah operatives na nasa isang sasakyang may armas, isa sa motorsiklo, at dalawa pa sa iba pang hiwalay na operasyon. Iniulat din nito ang pag-intercept sa dalawang projectile mula Lebanon at isang “suspicious aerial target,” na tinawag nitong paglabag sa ceasefire.
Bilang ganti, sinabi ng Hezbollah na tinarget nito ang isang military vehicle ng Israel sa southern Lebanon.
Ayon sa Lebanese state-run National News Agency (NNA), sunod-sunod na airstrikes din ang tumama sa mga bayan sa Bint Jbeil, Tyre, at Nabatieh districts. Sinabi rin ng Israel na tinamaan nila ang “Hezbollah terrorist infrastructure used for military purposes across southern Lebanon.”
Nagbabala ang Israel sa mga residente na huwag bumalik sa ilang lugar sa tinatawag na “yellow line” sa border area.
Ayon sa ulat, may “violent explosion” din na naganap sa Khiam, isang bayan malapit sa border, na sinasabing patuloy na sinisira ng Israeli forces ang mga gusali doon.
Ayon sa Lebanese authorities, umabot na sa hindi bababa sa 2,496 ang nasawi sa Lebanon mula pa noong Marso 2 dahil sa Israeli attacks.
Samantala, nananatiling tensyonado ang sitwasyon kahit may ceasefire extension na inanunsyo ni US President Donald Trump, habang kapwa Israel at Hezbollah ay nagbababala ng posibleng mas malawak na sagupaan kung magpapatuloy ang pag-atake. RNT/MND