Home NATIONWIDE PCG nag-activate ng special team sa pagimbestiga ng mga tiwaling tauhan

PCG nag-activate ng special team sa pagimbestiga ng mga tiwaling tauhan

90
0

MANILA, Philippines – Nag-activate ang Philippine Coast Guard (PCG) ng bagong internal body na tatawaging Probity Assurance Team (PAT) – Interim upang imbestigahan ang mga iregularidad at panagutin ang mga tiwaling personnel sa kanilang hanay.

Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, pansamantalang in-activate ang PAT noong Abril 21 bilang bahagi ng pagpapalakas ng disiplina sa organisasyon.

“The PAT will serve as a specialized body tasked to investigate irregularities, address misconduct, and ensure that appropriate criminal and administrative actions are pursued against erring personnel,” ani Cayabyab.

Binubuo ang team ng mga opisyal mula sa iba’t ibang yunit ng PCG, kabilang ang Intelligence Force, Legal Service, at Internal Affairs Service, at may mandato itong mangalap ng ebidensya, magsagawa ng legal na pag-aresto, at magsampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga lalabag.

Maaari rin itong magrekomenda ng dismissal sa serbisyo at tumulong sa prosecution ng mga kaso.

Ayon sa PCG, patunay ito ng kanilang “zero-tolerance policy” sa misconduct at paninindigan sa mataas na antas ng integridad.

Kasabay nito, dalawang PCG personnel ang naaresto kamakailan sa magkahiwalay na anti-illegal drug operations sa Cebu City at Davao City.

Kabilang dito si Apprentice Seaman Neil Vincent Dandan Panugaling, na naaresto sa Cebu noong Abril 22 sa buy-bust operation kung saan nasamsam ang hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Naaresto rin si Petty Officer 3rd Class Edgardo Lugto sa Davao City noong Abril 23 kung saan nakuha sa kaniya ang tinatayang 12 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang ₱78,000 hanggang ₱81,600.

Ipinag-utos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang preventive suspension ng dalawang personnel at iginiit na walang sasantuhin ang ahensya sa mga lalabag sa batas.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PCG sa PDEA, NBI, at DOJ para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaso, at tiniyak na haharap sa kaukulang parusa kabilang ang dismissal at pagkawala ng benepisyo ang mga mapatutunayang nagkasala. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here