MANILA, Philippines- Umaasa ang legal team ng pinatalsik na si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves, Jr. ng pagpabor ng Timor-Leste government sa desisyon kaugnay ng extradition request ng Pilipinas sa dating mambabatas na nahaharap sa kasong murder.
Natapos ang extradition hearings noong nakaraang linggo matapos ang presentasyon ni Teves at ng Philippine government ng kanilang mga testigo sa Timor-Leste Court of Appeals.
“All I would like to say on record is that we gave it our best shot, and hope and pray that the East Timor court would follow what is in the Constitution, without regard to the diplomatic pressure that the Philippines government has been exerting,” pahayag ng abogado ni Teves na si Ferdinand Topacio.
Nais ng Department of Justice (DOJ) na harapin ni Teves ang kanyang multiple murder, frustrated murder at attempted murder cases sa Manila para sa March 4, 2023 attack sa bayan ng Pamplona na nagresulta sa pagkamatay ni Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa.
Dagdag ni Topacio, kailangang magsumite ng panig ng prosekusyon ng kanilang memorandum sa Hunyo 19 habang ang defense ay sa ika-24.
Binanggit ni Topacio na inaasistihan niya ang Timor-Leste lawyers sa Philippine law.
Kasalukuyang nasa ilalim ng house arrest si Teves sa Timor-Leste. RNT/SA