Home NATIONWIDE Leyte sinita ng COA sa fund ‘misuse’

Leyte sinita ng COA sa fund ‘misuse’

MANILA, Philippines- Nasilip ng Commission on Audit (COA) ang umano’y “misuse” ng provincial government ng Leyte sa P1.287 milyon nitong Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF) para sa catering services at iba pang unrelated activities noong 2023.

Sa 2023 annual audit report, sinabi ng COA na ang disbursements na nagkakahalaga ng kabuuang P1,287,596 “were deemed to be not within the context of the four thematic areas on disaster risk reduction and management activities.”

Anito, ang apat na area para sa disaster risk reduction and management ay ang disaster prevention and mitigation, disaster preparedness, disaster response, at disaster rehabilitation and recovery.

Binanggit din nito na naglaan ang lalawigan ng P179,679,293.81 o 5 porsyento ng estimated revenue nito mula sa regular sources para sa LDRRMF nito. Bukod pa ito sa P178,459,178.28 na Special Trust Fund (STF) mula sa mga nakaraang taon, dahilan upang pumalo ang kabuuang LDRRMF sa P358,138,472.09.

Subalit, inihayag ng COA na nadiskubre ng audit team nito na kinaltas ang disbursements na nagkakahalaga ng P1,287,596 sa LDRRMF kahit na hindi ito saklaw ng apat na thematic areas ng disaster risk reduction and management.

Anito, gumastos umano ang lalawigan ng P380,428 at P383,918 sa pagbili ng iba’t ibang mga suplay at materyales para sa Protective Shelter for High-Value Vegetable Techno Demo. Subalit, anito pa, hindi natukoy ang iba’t ibang construction supplies at mga materyales na ipinamahagi sa mga benepisyaryo o mga lokasyon.

Gumastos din ang Leyte ng P55,500 bilang bayad sa catering services at pananghalian kabilang ang venue rental, sound system, at resort facilities sa Cariaga, Leyte sa pagsasagawa ng Participatory Guarantee System (PGS) Organic Farming Orientation Seminar, anang COA.

May kabuuang P31,500 ang ipinambayad sa catering services paa sa quarterly meeting ng regular area coordinators sa Villava, Leyte at panibagong P30,000 para sa catering services sa culmination activity para sa on-the-job training (OJT) interns mula sa Visayas State University Alang-alang Campus, anito pa.

Inihayag din ng COA na P406,250 ang ginamit na pambayad para sa iba’t ibang fertilizers at mga punla para sa Season Long Training of High-Value Crops sa buong lalawigan.

“The utilization of the LDRRMF for expenditures that are outside the four thematic areas of disaster risk reduction and management defeated the purpose for the creation and appropriation of the fund,” giit ng COA. 

“Thus, the purpose for which the component of the fund was intended for — to implement programs, projects, and activities related to disaster risk reduction and management — was not complied with,” dagdag nito. RNT/SA