MANILA, Philippines – Pinuri ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Negros Occidental na pinangungunahan ni Governor Eugenio Jose Lacson, sa mga inisyatibo ng probinsya laban sa insurgency.
Nitong Sabado, Mayo 23 ay nakipagkita si Teodoro kay Lacson at iba pang opisyal ng Negros sa Provincial Capitol bago ang kanyang pagbisita sa mga tropa ng 79th Infantry Battalion (79IB) sa Sagay City at 15th Infantry Battalion (15IB) sa Cauayan.
Sa panayam, sinabi ni Teodoro na ang provincial government ay may “very good” reintegration program para sa communist rebels na nagbalik sa lipunan.
“Ang aming puede gawin talaga masugpo ‘yung armado. Pero over and above that, ang ating mga sundalo tinatanggap ang mga returning rebels, katulong ng local government. Kaya nga nandito rin ako para i-commend ang provincial government and all officials of Negros Occidental for their firm stance because they are also invested in the process.”
Sa loob ng ilang taon ay nagbibigay ang provincial government ng financial at iba pang uri ng tulong sa mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA) bilang counterpart support sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng national government.
Ang inisyatibo ay bahagi ng “Balik Salig” program, na ang alokasyon ay kinukuha mula sa Provincial Peace and Order Fund.
Samantala, dinipensahan naman ni Lacson ang nangyaring operasyon na kumitil sa buhay ng ilang rebelde at sinabing ang operasyon ng mga sundalo ng 79IB soldiers sa northern Negros ay isang legitimate military operation at hindi na kailangan pang imbestigahan.
Sa Cauayan, limang remnant ng NPA ang napatay sa engkwentro sa mga tropa ng 15IB.
“Probably, these efforts of the NPA are also to counteract the serious efforts of the local government to address those who return, and it is an alternative form of punishment to those who return,” sinabi ni Teodoro.
Nagpasalamat naman ang defense chief sa mga mamamayan sa pagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad sa lokasyon ng mga remnant ng NPA sa kanilang komunidad.
“Sa mga taga Negros din nagpapasalamat kami kasi hindi mangyayari ito kung walang sumbong. Ibig sabihin natak-an na ang mga tawo diri sa opisyo sang NPA,” aniya. RNT/JGC