Home OPINION LGUs, PAGTUUNAN NG PANSIN DISGRASYA SA KALSADA

LGUs, PAGTUUNAN NG PANSIN DISGRASYA SA KALSADA

93
0

HINDI lang sa Maynila talamak ang eksena ng mga batang bigla na lang susulpot sa gitna ng kalsada para punasan ang salamin ng sasakyan, pampubliko man o pribado. Panganib ito hindi lamang sa mga driver, kundi lalo na sa mismong mga batang gumagawa nito. At hindi na rin lang mga bata ang sangkot subalit pati matatanda ay nakikisabay sa ganitong gawain.

Sa bawat paghinto sa traffic light, tila may nakaabang na agad. Walang paalam, walang pahintulot biglang bubuhusan ng sabon ang windshield at pupunasan gamit ang kung anong klaseng basahan o wiper. Dahil sa biglaang aksyon, napipilitan ang driver na mag-abot ng barya, hindi dahil gusto niyang tumulong, kundi para matapos na ang abala. Minsan pa nga, ang basahan ay may buhangin o dumi, na nagdudulot ng gasgas sa salamin. Sa halip na makatulong, dagdag problema pa ang naibibigay.

May mga naniniwalang ang pagbibigay ay isang anyo ng malasakit. Pero sa totoo lang, hindi ito tunay na tulong. Sa halip, lalo lamang nitong pinalalalim ang kultura ng pag-asa sa limos. Hindi nito tinuturuan ang mga nasa lansangan ng marangal at ligtas na paraan ng paghahanap-buhay. Mas masahol, inilalagay pa sila sa kapahamakan.

Isipin na lamang kung may mangyaring aksidente sa isang batang biglang sumalubong sa sasakyan, hindi napansin ng driver, at nauwi sa disgrasya. Sino ang mananagot? Kawawa ang bata, ngunit hindi rin makatarungan sa driver na madamay sa isang insidenteng hindi niya sinadya.

Kaya naman, panahon na para kumilos ang mga lokal na pamahalaan sa Maynila, Parañaque, Caloocan, Pasay, at Quezon City. Hindi sapat ang pagbabantay lamang ngunit kailangan ng konkretong programa para mailayo ang mga batang ito sa lansangan at mabigyan ng alternatibong kabuhayan ang kanilang pamilya.

Dapat ding kumilos ang Department of Social Welfare and Development katuwang ang mga LGU upang tugunan ang ugat ng problema sa kahirapan at kakulangan sa oportunidad.

Sabi nga, daig ng maagap ang masipag. Kung hindi kikilos ngayon, mas malalang trahedya ang posibleng kaharapin bukas. Ang kalsada ay para sa ligtas na biyahe, hindi para sa sugal sa buhay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here