Home NATIONWIDE Libingan ng mga dayuhan malapit sa Porac POGO hub sisilipin ng PAOCC

Libingan ng mga dayuhan malapit sa Porac POGO hub sisilipin ng PAOCC

MANILA, Philippines – Sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na bubusisiin nito ang hinihinalang libingan ng mga dayuhan na matatagpuan malapit ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm sa Porac, Pampanga.

Sa panayam ng DZBB, sinabi ni PAOCC spokesperson Dr. Winston Casio na mismong mga witness ang nag-tip sa kanila patungkol sa burial site malapit sa Lucky South 99.

“Nag a-apply kami ngayon ng panibagong search warrant doon sa compound ng Lucky South 99 dahil ‘yung aming mga witnesses na nakuha, mga bagong witnesses, may itinuturong mga lugar kung saan daw inilibing ang mga patay na katawan ng ilang mga foreign national,” ani Casio.

Ngayong linggo ay inaasahang mag-aapply sila para sa warrant.

Ayon kay Casio, binisita na nila ang lugar noong nakaraang linggo matapos na Samahan ng mga saksi.

“Pinuntahan namin last week at itinuro nila. Kaya lang sabi namin… huwag tayo mag hukay. Kumbaga, kahit nasa atin na ‘yung custody, wag tayong mag hukay, kumuha tayo ng warrant,” anang opisyal.

Matatandaan na noong Hunyo ay nilusob ng mga awtoridad ang POGO hub sa Pampanga kung saan nasagip ng mga ito ang nasa 185 Chinese, Vietnamese, at Malaysian nationals.

Nadiskubre ng mga ito ang ebidensya ng torture at kidnapping sa loob ng 10 ektaryang compound. RNT/JGC