Home METRO Libreng internet sa Marikina sa ‘Qnektado’ pilot launch

Libreng internet sa Marikina sa ‘Qnektado’ pilot launch

MANILA, Philippines- Pinangunahan ni Marikina 2nd District Representative Stella Luz Quimbo kahapon sa Fortune Elementary School Amphitheatre ang pilot launch ng “Qnektado”, isang makabagong inisyatiba na layong magbigay ng libreng high-speed fiber optic internet sa mga mag-aaral, mga kabahayan, at institusyon sa ikalawang distrito ng Marikina.

Sa pamamagitan ng Qnektado, magkakaroon ng 10 Mbps unlimited internet access ang bawat mag-aaral, habang ang mga kabahayan naman ay makakakuha ng koneksyon mula 10 Mbps hanggang 200 Mbps, na magbibigay ng mas mabilis at abot-kayang internet sa buong distrito.

“Sa panahon ngayon, hindi na luho kundi isang pangangailangan ang internet. Sa pamamagitan ng Qnektado, sinisigurado nating walang Marikenyo ang maiiwan sa likod pagdating sa edukasyon, hanapbuhay, at komunidad,” pahayag ni Rep. Quimbo.

Maghahatid ang programa ng libreng WiFi sa Fortune Elementary School at Fortune High School, pati na rin sa 65 kabahayan ng Santan Dos Homeowners Association. Tinatayang 565 pamilya ang makikinabang sa inisyatiba, kabilang ang 500 magulang mula sa Fortune Elementary at High School.

“Ito pa lamang ang simula. Sisiguraduhin natin na mas maraming pamilya ang makinabang sa proyektong ito sa mga susunod pang taon. Sama-sama tayong magtutulungan para sa isang mas digitally connected na Marikina,” pagtatapos ni Rep. Quimbo. RNT