MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na magbibigay ng libreng sakay sa mga komyuters sa Light Rail Transit Line 2 (LRT2) niyong Miyerkules, Hunyo 25 at Huwebes, Hunyo 26, 2025.
Ito ay matapos maapektuhan at magkaroon ng technical glitch ang operasyon ng LRT-2 Miyerkules ng umaga dahilan para malimitahan ang byahe ng tren mula Cubao hanggang Recto at Recto hanggang Cubao stations lamang.
Sinabi ni LRTA administrator Atty. Hernando Cabrera na ipinag-utos ni Transportation Secretary Vince Dizon na ang free rides ay iaalok ng dalawang araw.
Sinabi ni Cabrera na may problema sa transformer no. 5 at no. 6 na matatagpuan sa Santolan at Anonas areas.
Ang kanilang team aniya ay nasa site na para sa pagkukumpuni.
Ayon pa kay Cabrera, target nilang matapos ang repair work ngayong umaga para sa pagbabalik ng normal na operasyon.
Samantala, inatasan din ng Department of Transportation (DOTr) ang LRT-2 operator na mag-alok ng libreng bus rides mula Antipolo hanggang Cubao Station at vive versa para matulungan ang mga stranded na pasahero. Jocelyn Tabangcura-Domenden