Home METRO Libreng Sakay ng Manila LGU wala ng extension; halos 1M pasahero, nakinabang

Libreng Sakay ng Manila LGU wala ng extension; halos 1M pasahero, nakinabang

112
0

MANILA, Philippines – Umabot sa halos isang milyong mananakay ang nakinabang sa limang araw na ipinatupad na “Libreng Sakay” program ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila na inisyatiba ni Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.

Ayon kay Yorme, nasa kabuuang 931,831 na pasahero ang napagsilbihan ng naturang programa sa loob ng limang araw na implementasyon nito. Malaki aniya ang naitulong ng libreng sakay sa mga commuter, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin.

Nagpasalamat din ang alkalde sa mga jeepney driver at operator na nakiisa sa programa. Aniya, dahil sa kanilang kooperasyon ay libo-libong Pilipino, partikular ang mga Manileño, ang nakinabang sa libreng pamasahe sa kabila ng kinakaharap na krisis.

Samantala, inanunsyo ni Mayor Isko na wala munang extension ang Libreng Sakay Program simula ngayong Abril 9 at sa mga susunod na araw. Paliwanag ng alkalde, kinakailangan munang pag-aralan ng pamahalaang lungsod ang naging epekto ng programa bago ito muling ipatupad.

Dagdag pa niya, isasailalim sa masusing pagsusuri ang programa upang matukoy ang mga susunod na hakbang at mas mapahusay pa ang implementasyon nito, nang sa gayon ay mas marami pang mamamayan ang makinabang.

Matatandaang inilunsad ng Manila LGU ang limang araw na Libreng Sakay noong Marso 30 at 31, gayundin noong Abril 6, 7, at 8, bilang agarang tugon upang maibsan ang pasanin ng mga commuter at matulungan ang mga driver at operator sa gitna ng tumataas na presyo ng petrolyo.

Sa kabila ng pagtatapos ng programa sa ngayon, tiniyak ng alkalde na patuloy na maghahanap ng paraan ang pamahalaang lungsod upang makatulong sa mga Manileñong apektado ng kasalukuyang krisis sa ekonomiya. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here