Home NATIONWIDE Libreng Sakay program nais buhayin sa Kamara

Libreng Sakay program nais buhayin sa Kamara

152
0

MANILA, Philippines — Suportado ng isang mambabatas sa Kamara ang posibleng pagbuhay muli sa Libreng Sakay program ng pamahalaan upang matulungan ang mga commuter sa gitna ng inaasahang pagtaas ng pamasahe dahil sa tumataas na presyo ng langis.

Ayon kay Solid North Party-list Rep. Ching Bernos, makikinabang sa naturang programa ang mga estudyante at daily wage earners na lubhang naaapektuhan ng pagtaas ng gastusin sa transportasyon.

“The revival of the Libreng Sakay program will benefit vulnerable sectors such as students and daily wage earners. I hope that the government pushes through with it for the sake of the commuting public,” ani Bernos sa isang pahayag.

Nauna nang sinabi ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na inatasan niya ang mga opisyal ng road sector na gamitin ang P1-bilyong pondo sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act para sa Service Contracting Program (SCP).

Sa ilalim ng SCP, maaaring pumasok sa kasunduan ang pamahalaan sa public utility vehicle (PUV) cooperatives at operators upang magbigay ng transport services sa mga commuter.

“Sa harap ng ganitong mga krisis, nararapat lamang na salagin ng pamahalaan ang mabigat na epekto upang maibsan ang alalahanin ng mga kababayan natin,” dagdag pa ni Bernos.

Hinimok din ng mambabatas ang Department of Transportation (DOTr) na pag-aralan ang pagpapalawak ng Libreng Sakay program lampas sa EDSA Busway upang mas marami pang Pilipino ang makinabang.

Nanawagan din siya sa mga local government units (LGUs) na may sapat na pondo na pag-aralan ang paggamit ng service contracting arrangements sa kanilang mga lokal na transport provider.

Samantala, inaasahan namang maglalabas ng rekomendasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong linggo hinggil sa posibleng taas-pasahe sa pampublikong transportasyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here