Home NATIONWIDE Libreng shower sa mga siklista, binuksan ng MMDA

Libreng shower sa mga siklista, binuksan ng MMDA

139
0

MANILA, Philippines – Binuksan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang libreng shower rooms para sa mga siklista sa kanilang Motorcycle Riding Academy (MRA) sa Pasig City bilang solusyon sa problema ng mga pawis na empleyado bago sumabak sa opisina.

Pinangunahan nina MMDA Chairman Atty. Don Artes at General Manager Nicolas Torre III ang paglulunsad ng Bike-to-Work End-of-Trip (EoT) facility na may apat na shower rooms—hiwalay para sa babae, lalaki, at may dalawang gender-neutral na paliguan.

Bukod sa paliguan, may bike parking at changing area rin para siguradong presko at presentable ang mga siklista bago pumasok sa trabaho.

Ayon kay Artes, plano pang paramihin ang ganitong pasilidad sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila para mas maraming siklista ang makinabang.

Giit naman ni Torre, layunin ng proyekto na alagaan ang kapakanan ng mga siklista at hikayatin pa ang publiko na mag-bike-to-work.

Suportado rin ito ng pribadong sektor—nangako ang Republic Gas Corp. (Regasco) na magbibigay ng sabon, shampoo, at 1,000 tuwalya para sa mga gagamit ng pasilidad.

Sa datos ng MMDA, umaabot sa 1,700 siklista araw-araw ang dumadaan sa EDSA bike lane—patunay na lumalakas ang bike culture sa Metro Manila.

Plano rin ng ahensya na gawing 24/7 ang operasyon ng pasilidad, habang required ang registration para sa seguridad ng mga gagamit. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here