Bilang pagkilala sa nagawang karangalan ng mga atletang Pinoy para sa bansa, pag-aaralan ng House of Representatives ang pagbibigay ng “lifetime pension” sa mga Pilipinong nanalo ng medalya sa Olympics.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez inatasan na nya ang concerned committees na pag-aralan ang ganitong incentives at ma-institutionalize ang pagkakaloob ng dagdag na benepisyo at financial grant para sa medalists.
Giit ni Romualdez, hindi masusklian ang karangalang ibinigay nina Yulo, Hidilyn Diaz at iba pang atleta kaya naman hangad ng pamahalaan na kilalanin ang kanilang naging tagumpay sa pamamagitan ng pagbibigay ng benepisyo.
Ipinapanukala na ang lifetime pension ng Filipino Olympic gold, silver at bronze medalists ay magsimula kapag tumuntong sa edad na 40 o sa pagreretiro sa sports.
Sinabi pa ni Romualdez na makikipagpulong sila sa Social Security System upang talakayin kung paano mabibigyan ng lifetime benefits ang medalists sa pension system. Gail Mendoza/Melisa Maluntag