BACOLOD City – Isang matandang nagpapautang ng pera ang tinaga hanggang sa mamatay ng isang magsasaka sa mainitang pagtatalo sa hindi pa nababayarang utang sa Sitio Ecogan, Barangay Minapasuk, Calatrava, Negros Occidental noong Sabado, Agosto 3.
Kinilala ang biktima na si Elisio Cabugnay, 60-anyos ng Barangay Hinab-ongan, Calatrava.
Sinabi ni Police Capt Jesus Alba, deputy chief ng Calatrava Municipal Police Station, na pumunta ang biktima sa bahay ng 47-anyos na suspek para maningil ng P2,000 na utang.
Sa halip na bayaran ng cash ang biktima, hiniling ng suspek na bayaran siya ng bigas dahil sa kakulangan ng pondo.
Tumanggi ang biktima at nagalit na nagresulta sa mainitang pagtatalo.
Sinabi ni Alba na pumagitna ang asawa ng suspek para patahanin sila ngunit sinampal umano siya ng biktima.
Nagalit ang suspek at tinaga ng bolo ang biktima. Nagtamo ng maraming sugat ang biktima at idineklarang patay sa ospital.
Sinabi ni Alba na sumuko ang suspek sa mga opisyal ng barangay at ngayon ay nakakulong sa himpilan ng pulisya. RNT