VIENNA, Austria – Nagsampa ng reklamo sa Austria ang isang kilalang data protection group laban sa LinkedIn dahil sa umano’y pagbebenta at hindi tamang paghawak ng data ng users.
Ayon sa Vienna-based group na Noyb, naghain sila ng reklamo sa Austrian Data Protection Authority sa ngalan ng isang user na humihiling ng buong access sa kanyang data.
Giit ng grupo, dapat ibigay ng LinkedIn ang kompletong sagot sa data access request at patawan ito ng multa.
Ayon kay Noyb data protection lawyer Martin Baumann, “People have the right to receive their own data free of charge.”
Binatikos din ng Noyb ang Microsoft-owned platform dahil umano’y ginagamit nito ang data protection concerns bilang dahilan para hindi ibigay ang impormasyon, habang hinihikayat naman ang users na magbayad para sa premium membership upang makita kung sino ang tumitingin sa kanilang profiles.
Ayon sa grupo, “It was unclear” kung legal ang tracking ng profile visitors dahil wala umanong malinaw na consent mula sa users.
Ang Noyb ay kilalang grupo na nagsasampa ng mga kaso laban sa tech companies kaugnay ng data privacy, kasunod ng pagpapatupad ng European Union na General Data Protection Regulation (GDPR) noong 2018. RNT/MND