MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng dalawang drayber na nahuli sa viral video na humarang sa magkahiwalay na pagresponde ng bumbero sa Makati City.
Nitong Sabado, Setyembre 19 ay inilabas ng LTO ang findings nito sa bawat kaso kasunod ng mga pagdinig na isinagawa ng Intelligence and Investigation Division (IID) batay sa show-cause orders na inisyu sa dalawang motorista.
Sa isang viral video, nahuli ang drayber na nag-double parking sa Macabulos St. sa Barangay Bangkal.
Aminado ang drayber sa pag-double parking at ipinaliwanag na ang kanyang sasakyan ay inaayos at hindi magagalaw sa nasabing oras.
“Inamin ng drayber na nakaparada ang kanyang sasakyan at nakaharang sa daanan, bagama’t ipinaliwanag niyang inaayos noon ang sasakyan, nakapatong ito sa jack at natanggal ang isang gulong kaya hindi agad mailipat,” ayon sa LTO.
Napatunayan na ang drayber ay guilty sa traffic obstruction at parking in prohibited specified places.
Siya rin ay idineklarang improper person to operate a motor vehicle, at nagresulta sa tatlong buwang suspensyon ng driver’s license nito.
Samantala, nakita naman sa ikalawang insidente sa Guadalupe Nuevo ang drayber na tila hindi nagpapadaan sa rumerespondeng trak ng bumbero sa likod nito.
Ayon sa drayber, wala itong balak na harangan ang firetruck at hindi lamang makahanap ng pwesto kung saan maaaring tumabi.
“Gayunman, makikita sa video na may mga espasyo sa kanang bahagi ng kalsada kung saan maaari sanang pansamantalang tumabi ang drayber upang bigyang-daan ang rumerespondeng fire truck,” sinabi ng LTO.
Ang drayber ay nakita namang guilty sa bigong pagbibigay ng right of way sa emergency vehicles, at obstruction of traffic.
Idineklara rin itong improper person to operate a motor vehicle at nagresulta naman sa isang taong suspensyon ng kanyang lisensya.
Isinuko na sa IID ang lisensya ng dalawang indibidwal at inalarma ang kanilang mga sasakyan.
Hinimok naman ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang publiko na sumunod sa batas-trapiko at nagpaalala sa mga motorista na magbigay-daan sa mga emergency vehicle.
“Paalala natin sa mga motorista na laging bigyang-daan ang mga emergency vehicle, lalo na ang mga fire truck na rumeresponde. Bawat segundo ay mahalaga dahil may mga buhay na maaaring nakasalalay sa bawat pagresponde,” ani Lacanilao. RNT/JGC