MANILA, Philippines – Binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng isang babaeng vlogger na nag-viral sa social media na nagmamaneho habang may hawak na recording device.
Sa pahayag, sinabi ng LTO na nagpataw ito ng multa at diskwalipikado na rin ang vlogger na kilala sa pangalang “Ishi Lee” sa pag-renew ng kanyang lisensya sa susunod na dalawang taon.
Nauna nang nag-isyu ng show cause order ang ahensya noong Pebrero sa babaeng vlogger kasunod ng viral na video sa social media na nagpapakita ng kanyang pagmamaneho habang may hawak na recording device.
Sa kabila nito, hindi dumalo ang vlogger sa pagdinig na itinakda ng LTO at hindi rin nagpasa ng written explanation dahilan para ang LTO na lamang ang magresolba ng reklamo.
“Sa kabila ng naunang desisyon na nagbabawal sa vlogger na magmaneho, lumabas sa mga ulat na patuloy pa rin siyang nagmamaneho ng sasakyan, na nagdulot ng paglabag sa naturang kautusan ng LTO at karagdagang kaso ng driving without a valid driver’s license,” ayon sa LTO.
Dito na nag-isyu ng supplemental order ang ahensya na may petsang Abril 20 laban sa vlogger kung saan nakalahad ang kanyang mga violation, katulad ng reckless driving, driving without a valid driver’s license, anti-distracted driving, at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Sa Facebook post naman, sinabi ng vlogger na wala siyang natanggap na kopya ng SCO.
“Maraming nagtataka bakit nakakapagdrive pa rin ako. Kasi walang sinerve sa akin na SCO na naka black and white,” ayon kay Ishi Lee.
“Pero nasaan ang papel na yon? Bakit wala akong nareceive?”
Bukod sa multa, pagbawi ng lisensya at two-year disqualification sa renewal, inimpound din ng LTO ang motor ng vlogger.
Ipinag-utos naman ng LTO sa law enforcement agencies na arestuhin ang naturang vlogger kung siya ay mahuhuling nagmamaneho pa rin sa pampublikong kalsada.
“Ang mga patakaran at kautusan ng LTO ay hindi opsyonal. Kapag ito ay binalewala, may kaakibat itong agarang pananagutan at kaparusahan sa ilalim ng batas,” sinabi ni LTO chief and Assistant Secretary Markus Lacanilao.
“Hindi namin kukunsintihin ang paulit-ulit o lantaran na paglabag sa mga regulasyon sa kalsada. Ang sinumang patuloy na hindi sumusunod ay agad na papatawan ng kaukulang aksyon upang maprotektahan ang kaligtasan ng publiko,” dagdag pa. RNT/JGC