Home NATIONWIDE Lisensya ng drayber ng naaksidenteng trak sa Bukidnon pinag-aaralan ng LTO

Lisensya ng drayber ng naaksidenteng trak sa Bukidnon pinag-aaralan ng LTO

6
0

MANILA, Philippines – Posibleng masuspinde ang driver’s license ng drayber ng trak na nasangkot sa aksidente sa Bukidnon na ikinasugat ng ilang student intern, ayon sa Land Transportation Office (LTO).

Sinabi ni LTO Maramag District Head Salome M. Navarro na nakuha na ng ahensya ang police report at blotter mula sa Maramag Municipal Police Station bilang bahagi ng isinasagawang administrative proceedings laban sa drayber.

Ayon kay Navarro, inaasahang maglalabas ang LTO Regional Office ng show-cause order, na maaaring magresulta sa pansamantalang suspensyon ng lisensya ng drayber habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Batay sa ulat ng pulisya, isinakay ng drayber ang humigit-kumulang 50 student intern mula sa Davao Oriental State University (DOrSU) matapos nilang mag-on-the-job training sa Central Mindanao University (CMU) Dairy Farm.

Dahil sa malakas na ulan at kakulangan ng masasakyang pampublikong transportasyon, humingi umano ng sakay ang mga estudyante at pinagbigyan sila ng drayber.

Gayunman, nauwi sa aksidente ang biyahe nang bumigay ang hindi maayos na nakakabit na drop-side ng overloaded na Elf truck habang binabaybay ang Lumbo–Dologon national highway, dahilan upang mahulog sa kalsada ang maraming estudyanteng nakasakay sa likuran ng sasakyan.

Binigyang-diin ng mga awtoridad na hindi sapat na depensa ang mabuting intensyon ng drayber, dahil nananatili siyang may pananagutang tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng sakay ng kanyang sasakyan.

Samantala, sinabi ni DOrSU President Dr. Roy G. Ponse na lima sa siyam na estudyanteng naospital ay nakalabas na ng ospital, habang tatlo pa ang nasa maayos na kondisyon at naghihintay na lamang ng medical clearance.

Nilinaw rin ni Ponse na mali ang kumakalat na impormasyon sa social media na galing sa CMU campus ang mga estudyante. Aniya, pauwi ang mga ito mula sa kanilang OJT site patungo sa boarding house sa Maramag nang sumakay sa trak dahil sa masamang panahon at kakulangan ng masasakyan.

Samantala, inasikaso ni Davao Oriental Gov. Nelson Dayanghirang, kasama si Provincial Hospital Chief Dr. Reden Bersaldo, ang paglipat sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City ng estudyanteng kritikal ang kondisyon gamit ang high-care ambulance.

Kasunod ng insidente, sinabi ng LTO na paiigtingin nito ang operasyon laban sa iligal na pagsakay ng mga pasahero sa mga cargo vehicle.

Nanawagan din ang ahensya sa mga estudyante na iwasang sumakay sa mga bukas na trak at hinikayat ang mga drayber na huwag magsakay ng mga pasahero sa ganitong uri ng sasakyan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here