MANILA, Philippines – Sinuspinde na sa serbisyo ang isang enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na naaktuhang nagka-counterflow sakay ng motorsiklo sa EDSA Busway sa bahagi ng Cubao, Quezon City.
Ang enforcer ay makikitang kinompronta ang drayber ng EDSA Carousel na bumibiyahe sa kasalubong na direksyon ng motorsiklo.
Suot ng lalaking nakasakay sa motorsiklo ang uniporme ng MMDA at hinihinalang nakainom.
Natukoy ng MMDA ang naturang enforcer at inatasang magtungo sa opisina ng ahensya bukas, Hulyo 20 upang pormal na makapagpaliwanag.
“‘Pag pumunta pa sa opisina ngayon, literal na we will throw the book on him… Hindi lang figurative na kasuhan natin. Medyo pang-aabuso na. Hindi natin ito-tolerate,” sinabi ni MMDA General Manager Nicolas Torre III.
Ayon kay Torre, posibleng maharap sa reklamong criminal at administrative ang enforcer, multa, at posibleng pagkatanggal sa serbisyo.
“Grave misconduct po ito… Pwede talaga siyang ma-dismiss at ma-separate from MMDA. Baka mapagmulta pa siya… ‘Yung use of bus lane, automatic na P5,000 kaagad ang multa noon. So, otherwise, hindi siya makapag-renew ng kanyang lisensya,” ani Torre.
“Other cases na aming isasampa diyan, disregarding traffic signs, reckless driving. E kung ang resulta ng kanyang examination ay meron pang violation ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act and Anti-Distracted Driving Act, ikakarga rin natin sa kanya ‘yan at ituloy ang criminal case,” dagdag pa niya.
Bukod sa pagsuri ng cellphone video na nag-viral, susuriin din ng MMDA ang mga CCTV camera sa Cubao section ng EDSA Busway bilang bahagi ng imbestigasyon. RNT/JGC