MANILA, Philippines – HINDI magpapalabas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng hindi beripikadong listahan ng mga sinasabing nasa likod ng substandard flood control projects sa bansa.
Ito’y matapos tawagan ng pansin ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila De Lima si Pangulong Marcos na pangalanan, litisin, at panagutin ang mga sangkot sa flood control corruption.
“Hindi puwedeng ‘mahiya naman kayo.’ Kung palpak ang proyekto at nalulusaw ang pondo, may dapat managot,” ayon kay De Lima sa kanyang privilege speech noong Lunes.
“Don’t threaten us with a re-enacted budget. Kung babalik lang din tayo sa parehong budget insertions… eh ’di parang sinabing: Mahiya naman tayo pero tuloy pa rin ang ligaya,” dagdag pa niya.
Bilang tugon, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi gagamit ang Pangulo ng pagbabanta o maglalabas ng unverified list habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.
“Hindi po gagayahin ng Pangulo ang anumang klase ng pag-threaten lamang. Hindi po siya maglalabas ng anumang mga listahan na hindi verified. Kung nangyayari man ito sa mga nakaraang administrasyon, hindi po gagawin ng Pangulo ’yan,” ani Castro sa isang press briefing sa New Delhi, India, kung saan kasalukuyang nasa state visit si Pangulong Marcos.
Sa pinakabagong episode ng kanyang podcast, sinabi ni Pangulong Marcos na may ilang indibidwal at korporasyon na sangkot sa corrupt schemes sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang natukoy, at sa kalaunan ay ila-blacklist mula sa mga government project.
Hindi pa pinangalanan ng Pangulo ang mga kontratista, subalit tiniyak na sasampahan ng kaukulang kaso ang mga kompanya at indibidwal na nag-deliver ng substandard projects.
Tiniyak naman ni Castro na hahabulin ng gobyerno ang mga unscrupulous individuals at kanilang mga kasabwat na nasa likod ng mga nabigong flood control projects sa oras na matapos ang imbestigasyon.
“Mahirap po kasi na magpadalos-dalos sa kilos, baka mali pala at meron tayong inosenteng masabit at maapektuhan. Kaya dapat po verified lahat ng facts at pananagutin ang dapat managot. At ’yan po ang gusto ng Pangulo,” ani Castro.
Sinabi rin ni Castro na ang imbestigasyon ay hindi lamang limitado sa maanomalyang flood control projects.
Kaugnay nito, hinikayat niya ang publiko na mag-ulat ng mga kahina-hinalang infrastructure projects sa kanilang lokalidad upang maisama sa gagawing audit.
“Kung meron po kayong nalalamang mga anomalya na nagaganap sa inyong mga syudad o munisipyo, sabihin n’yo lamang po para ito ay maimbestigahan,” pahayag ni Castro. Kris Jose