MANILA, Philippines – Isinilbi na ng Ombudsman ang subpoena sa National Food Authority (NFA) para makuha ang listahan ng NFA warehouses na nagbenta ng palugi sa mga pinapaboran na mangangalakal.
Mismong si Ombudsman Samuel Martires ang nagtungo sa NFA upang isilbi ang subpoena.
Humarap kay Martires si NFA OIC Administrator Piolito Santos, na itinalaga lamang bilang interim head nitong Miyerkules kasunod ng pagsuspinde ng Ombudsman sa 139 NFA officials dahil sa isyu.
Nabatid na naibigay na sa Ombudsman ang ilan sa listahan at inaasahan na madadagdagan pa ang listahan ngayong araw.
Sa panayam iginiit ni Martires ang kahalagahan na naprotektahan ang mga dokumento upang hindi ito mapakialaman. Layon ng proseso na mabatid kung may pagkakasala o wala ang mga nasuspindeng opisyal.
Iniutos kamakailan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. na ipatupad ang six-month preventive suspension order na inisyu ng Ombudsman laban sa 139 NFA officials sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon.
Kabilang sa sinuspinde ay sina NFA Administrator Roderico Bioco, Assistant Administrator for Operations John Robert Hermano, 12 regional managers, 27 branch managers, at 98 warehouse supervisors sa buong bansa.
Iniimbistigahan ng Ombudsman ang mga NFA warehouses sa Zamboanga, Jolo, Nueva Ecija, Cebu, Bohol, at Antique. Teresa Tavares