MANILA, Philippines – Inalis ng pulisya ang live-in partner ng American marine biologist na si Kent Carpenter sa pagiging person of interest at ginawang witness sa pagpatay.
“Yung pag-konsidera natin sa kanya initially as POI, pwede siya maging witness as much as we believe that mayroon siyang relevant information doon sa nangyari…Mayroon po siyang nakita namin na impormasyon doon sa mga suspect. Kaya we are considering her now as our complainant-witness po,” sinabi ni Negros Oriental Provincial Police Office director P/Colonel Timmar Alam sa panayam ng DZBB.
Naunang inanunsyo ng Philippine National Police ang pagkakaaresto sa tatlo sa apat na suspek sa pagkamatay ni Carpenter.
Isa sa mga suspek ang natukoy na nanghalay pa umano sa live-in partner ng biktima.
Si Carpenter, 73, ay binaril-patay ng tatlong suspek sa bahay nito sa Barangay Ajong sa Sibulan, Negros Oriental, noong Linggo ng gabi, Hulyo 12.
Pagnanakaw ang tinitingnang motibo sa krimen.
“Ayun lang po muna ang nakikita naming motibo,” ani Alam.
Dati nang nakasuhan ng pagnanakaw ang mga suspek at naninirahan sa nabanggit na barangay.
Ayon sa live-in partner ni Carpenter, kinuha ng mga suspek ang cash, laptop at binocular.
“Sabi ng surviving victim natin a cash amounting to P75,000 tsaka laptop po at binocular. Pero dito sa mga nahuli natin, wala pa tayong na-recover na stolen items,” sinabi pa ni Alam. RNT/JGC