Home HOME BANNER STORY Lola, apo patay sa taga ng sabog

Lola, apo patay sa taga ng sabog

MANILA, Philippines – Patay ang isang lola at apo nito matapos pagtatagain sa Compostela, northern Cebu nitong Lunes, Marso 31.

Ang krimen ay nangyari habang natutulog ang mga biktima sa kanilang tirahan sa Purok Lumboy, Brgy. Panangban.

Ayon sa pulisya, mayroong limang biktima ngunit dalawa ang nasawi matapos magtamo ng kabi-kabilang taga sa katawan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Evelyn Pareja Jayme, 68, at Gael Jayme Cogay, 5.

Samantala, natukoy naman ang suspek na si Jayson Avila, na agad na naaresto matapos agad na magsumbong ang mga kapitbahay sa barangay tanod.

Bukod sa dalawang nasawi, inatake rin ng lalaki ang tatlo iba pang kapamilya nito na sina Ruvelyn Jayme Gomez, Kelly Gomez at Clint Justine Jayme.

Nagpapagaling sa ospital ang tatlong biktima.

Sa ulat, pumasok si Avila sa bahay ng nakatatandang Jayme madaling araw ng Lunes at agad na pinagtataga ang natutulog na si Evelyn na nagtamo ng taga sa pisngi, leeg at likod nito.

Ganito rin ang ginawa ng suspek sa limang taong gulang na bata na katabi ng lola.

Matapos na mapatay ang dalawang biktima, pumunta naman ang suspek sa katabing bahay kung saan tinaga ang anak ni Evelyn na si Kelly, asawang si Ruvelyn, at 16-anyos na pamangkin at tatlong menor de edad na anak.

Dahil sa komosyon ay naalerto ang mga kapitbahay na agad na tumawag ng mga tanod.

Ayon sa mga awtoridad, sangkot ang suspek sa paggamit ng illegal na droga na posibleng sabog nang isagawa ang krimen.

Samantala, sinabi ni Police Senior Master Sergeant Junrey Frias, lead investigator, na iimbestigahan nila ang kaso at kasama rito ang ulat na si Avila ay gumagamit ng illegal na droga. RNT/JGC