Home METRO Lola kritikal sa wire na nakaladkad ng delivery van sa Valenzuela

Lola kritikal sa wire na nakaladkad ng delivery van sa Valenzuela

1
0

MANILA, Philippines – Matapos makaladkad ng isang delivery van, sugatan at nasa kritikal na kondisyon ang isang 63-anyos na lola, napaulat nitong Huwebes, Agosto 27 sa Valenzuela City.

Kinailangang operahan sa balikat at mga paa ang 63-anyos na si alyas “Cora” sa Philippine Orthopedic Center matapos siyang ipalipat dito ni Mayor Wes Gatchalian mula sa Valenzuela Medical Center kung saan una siyang isinugod noong Martes ng umaga, Agosto 25, 2025.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dumaraan ang delivery van ng J&T Express na minamaneho ng 51-anyos na tsuper sa Brgy., Gen. T. De Leon alas-6:49 ng umaga nang sumabit sa hulihang bumper nito ang nakalaylay na kable na aksidente namang pumulupot sa katawan ng biktima na dahilan upang makaladkad siya at tumama pa ang katawan sa poste ng Meralco.

Noong Huwebes, personal na dinalaw ni Mayor Wes sa pagamutan ang biktima bago nagpatawag ng pagpupulong sa mga kinatawan ng courier service at Meralco upang alamin ang kabuuang detalye sa nangyaring insidente.

Nangako naman ang J&T na sasagutin ang gastusin sa operasyon ng biktima at kaagad nagpadala ng paunang tulong na P200,000.00 habang tiniyak din ng Meralco na magbibigay sila ng tulong kahit na naglabas sila ng patunay na hindi sa kanila ang kableng nakalaylay na ikinabit sa kanilang poste.

Sa kabila nito, mahaharap pa rin sa kasong Reckless Imprudence Resulting In Serious Physical Injuries ang driver ng delivery van.

Iniutos na rin ni Mayor Gatchalian sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na magkaloob ng kinakailangang pinansiyal na tulong sa pamilya ng biktima upang makatulong sa kanilang mga gastusin. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here