MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection (BFP) Manila na isa ang nasawi sa naganap na sunog sa Tondo, Maynila nitong Linggo.
Pasado alas-11 ng gabi ng Sabado nang sumiklab ang sunog at umabot lamang ng ikalawang alarma at naapula ito bandang ala-1 ng madaling ng Linggo.
Nabulabog naman ang mga residente ng Barangay 182, Hermosa dahil kasarapan na ng tulog ng karamihan nang maganap ang insidente.
Ayon sa BFP, nahirapan ang mga bumbero na maapula ang sunog dahil masikip ang daan bukod pa sa dami umano ng mga tao.
Pawang gawa rin sa light materials ang mga kabahayan kaya mabilis ang paglaki ng sunog kaya naman ang mga residente ay nagkanya-kanyang labas na sa kanilang bahay.
Isang 64-anyos na babae ang biktima sa sunog dahil natutulog umano ito nang sumiklab ang apoy kaya hindi na nagawang lumabas pa.
Anim na bahay ang natupok ng apoy habang pitong pamilya o 21 indibidwal ang apektado sa sunog.
Tinatayang aabot sa P800,000 halaga ng ari-arian ang natupok sa sunog.
Samantala, inaalam pa ang sanhi ng pagsiklab ng sunog sa lugar. Jocelyn Tabangcura-Domenden