MANILA, Philippines- Nais likhain ni Senador Win Gatchalian ang isang National Aviation Academy of the Philippines (NAAP) kapalit ng Philippine State College of Aeronautics (PhiSCA) para lumakas ang seguridad at kaligtasan sa himpapawid.
Sinabi ni Gatchalian na ituturing ang NAAP bilang national professional institution for aviation na magbibigay sa batang Pilipino ng world-class academic at professional training sa aviation at kaugnay na larangan.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang pangangailangan sa pagsusulong ng aviation safety at security kasunod ng mga nagdaang plane crash sa bansa.
Isang U.S.-contracted surveillance plane ang bumagsak sa Maguindanao del Sur noong Pebrero 6, na ikinasawi ng apat na katao. Isang babaeng piloto rin ang nasawi sa bumagsak na helicopter sa Guimba, Nueva Ecija.
Layon ng naturang panukala (Senate Bill No. 2969) na humubog ng propesyonal na tutugon sa mga pangangailangan ng lokal at pandaigdigang industriya ng aviation.
Imamandato sa NAAP na patatagin ang aviation industry sa pamamagitan ng pagbuo ng mga programang may matatag na ugnayan sa industriya. Mangunguna rin ang NAAP sa pagpapatupad ng mga makabagong paraan ng pagtuturo ng aviation.
Magiging mandato ng NAAP na mag-alok ng mga short-term technical-vocational, undergraduate, at graduate courses sa aviation at kaugnay na programa.
Kabilang dito ang Bachelor of Science in Air Transportation specializing in Commercial Pilot; Bachelor of Science in Aeronautical Engineering, kabilang ang Drone Technology; Associate in Aircraft Maintenance Technology; at Associate in Aircraft Electronic Technology.
Imamandato pa sa NAAP na tiyaking mabibigyan ng sapat na oportunidad ang mga nangangailangang mga mag-aaral, kabilang ang mga indigenous peoples, mga valedictorian at salutatorian ng mga pampublikong high school.
Magbibigay din ang NAAP ng mga scholarships at iba pang affirmative action programs upang tulungan ang mga mahihirap ngunit kwalipikadong mga mag-aaral na makapasok sa NAAP.
“Sa pagtupad ng mandato nito, huhubog ang NAAP ng mga aviation leaders para sa pribadong sektor at para sa pamahalaan. Kung maisasabatas natin ang ating panukala, matitiyak natin na ang aviation industry ng Pilipinas ay kayang makipagsabayan sa mundo,” giit ni Gatchalian.
Mula Academic Year (AY) 2014-15 hanggang AY 2023-24, 18,040 ang average na bilang ng mga mag-aaral na naka-enroll sa PhilSCA system, habang 3,266 graduates naman ang average na bilang ng mga nagtapos kada taon sa naturang mga academic year. Ernie Reyes