MANILA, Philippines – Natagpuan sa balkonahe ng tirahan nito ang isang 83-anyos na lola na wala nang buhay at putol ang ulo, sa Brgy. Candabong in Dumanjug town, southwestern Cebu nitong Sabado ng umaga, Pebrero 1.
Sa imbestigasyon ng Dumanjug police, kinilala ang nasawi na si Miguela Barino, na pinaniniwalaang namatay dahil sa heart attack.
Inalis na ang ibang dahilan sa pagkamatay ng biktima.
Sa kabila nito, ikinokonsidera ng pulisya na posibleng ang mga aso ang pumutol sa ulo ng matanda.
Natagpuan ang ulo ni Barino sa ilalim ng hagdan.
Sinabi ni Police Captain Eden Rex Baguio, hepe ng Dumanjug Police Station, na ang katawan ni Barino ay nasa state of decomposition na nang matagpuan.
Dahil sa ganitong sitwasyon ng katawan ng matanda, maaaring napag-interesan ng mga aso na kainin ito at nagsimulang kagatin sa leeg dahilan para mahulog ang ulo ng matanda.
Inabot pa ng nasa 48 oras o dalawang araw bago nadiskubre ng mga kamag-anak ang katawan ni Barino.
Naninirahan mag-isa sa bahay si Barino matapos na mamatay ang asawa nito 10 taon na ang nakakalipas. Walang anak ang mag-asawa at malayo rin ang tirahan nito sa mga kapitbahay.
Ang tanging kasama lamang ng matanda ay ang kanyang limang aso. RNT/JGC