MISAMIS ORIENTAL- Patay ang isang lolo matapos hatawin ng bakal na tubo ng kanyang kapitbahay dahil sa hindi naibalik na kudkuran ng niyog ng una, kahapon sa bayan ng Libertad.
Kinilala ang biktimang si Alfonso Bahian Ragmac, 72-anyos habang nadakip naman ang suspek na si Agapito Pacquiao Catiil, 52, kapwa residente ng Barangay Poblacion, Libertad, Misamis Oriental.
Ayon kay Capt. Jeanny Relevo, deputy chief of police ng Libertad Municipal Police Station, naganap ang krimen sa labas ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa tindahan ang biktima nang bigla na lamang itong abangan ng suspek na armado ng tubong bakal.
Dito, pinaghahataw ng suspek sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, nagalit ang suspek sa biktima dahil sa hindi nito pagbabalik ng hiniram na kudkuran ng niyog.
Agad namagn nadakip ang suspek ng mga rumespondeng pulis na ngayon ay nahaharap sa kasong homicide sa Misamis Oriental Provincial Prosecutor’s Office. Mary Anne Sapico