Home METRO Lolo kinatay ng may ‘sayad’ na apo

Lolo kinatay ng may ‘sayad’ na apo

NEGROS OCCIDENTAL- Halos maputol ang leeg ng isang lolo matapos ataduhin ng taga ng sariling apo na may problema sa pag-iisip noong Linggo sa probinsyang ito.

Dead-on-the-spot sanhi ng 11 tama ng taga sa leeg at iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Eugenio Eleuterio, balo at residente ng Purok 1, Sitio Malusay, Brgy Caradio-an, Himamaylan City, Negros Occidental.

Kasalukuyan namang nakakulong sa custodial facility ng Himamaylan Police Station ang suspek na kinilalang si Denise Eleuterio, 24, binata, at residente ng naturang lugar.

Batay sa report ng pulisya, bandang alas-8:55 ng umaga nang maganap ang krimen sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bigla na lamang sinugod ng suspek ang lolo nito na armado ng itak saka pinagtataga sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Kwento ng ina ng suspek, may problema sa pag-iisip ang anak at ilang araw na itong hindi kumakain.

Sa himpilan ng pulisya, inamin ng suspek ang ginawang pagpaslang sa kanyang lolo at sinabing may bumubulong sa kanya na patayin ito.

Sinampahan na ng kasong murder si Denise. Mary Anne Sapico