Home METRO Magkapatid na nene hinigop sa irigasyon

Magkapatid na nene hinigop sa irigasyon

BANTAY, Ilocos Sur- Maagang binawian ng buhay ang magkapatid na batang babae matapos silang malunod habang naliligo sa irigasyon noong Miyerkules sa bayang ito.

Kinilala ang mga biktimang sina Judelyn, 7, at kapatid nitong si Princess, 5, kapwa residente ng Barangay Naguiddayan, Bantay.

Batay sa report ng Bantay police station, hapon noong Miyerkules nang maganap ang insidente sa irrigation canal sa Barangay Bulag ng nabanggit na bayan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, iniwan ng kanilang ina ang magkapatid na naglalaro habang naliligo sa irigasyon.

Subalit, hindi napansin ng magkapatid ang pagtaas ng tubig at paglakas ng agos hanggang sa tuluyang higupin ang mga ito at malunod.

Rumesponde ang mga tauhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at natagpuan ang katawan ng magkapatid na palutang-lutang sa irigasyon at agad na dinala ang mga ito sa ospital subalit idineklara na ring patay ng umatending doktor.

Sinabi ng pulisya na walang foul play sa naturang insidente. Mary Anne Sapico