Home OPINION ANIM NA ANG NAMATAY SA HEAT STROKE – DOH

ANIM NA ANG NAMATAY SA HEAT STROKE – DOH

NAKAPAGTALA na ang DOH o Department of Health ng anim na kaso ng pagkamatay dahil sa mataas na heat index sa mara­ming lugar ng bansa. Habang nasa 34 ang heat-related illnesses.

Base sa event-based surveillance and response system, ang mga naiulat na heat-related illness cases ay mula lamang Ja­nuary 1, 2024 hanggang April 24, 2024 lamang.

Ang mga pasyente ay mula sa Central Visayas, Ilocos Region, at sa SOCCSKSARGEN.

Ayon sa DOH, nasa kabuuang 513 na kaso ang naitala noong 2023.

Para sa inyong kaalaman, kapag sinabing “heat index” ay ang sukatan ng temperatura na nararamdaman ng isang tao. Ito ay iba umano sa aktwal na temperatura ng hangin. Nasusukat ito sa pamamagitan ng humi­dity at air temperature.

Kaya pinag-iingat ng DOH ang matatanda, mga bata at may comorbidities na manatili lang sa loob ng bahay mula 10:00 ng umaga hanggang 4:00 ng hapon.

Sa patuloy nga nating pagbabantay sa mainit na panahon batay sa siyentipikong pag-analisa ng ating PAGASA o Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, dapat na mag-ingat ang mga kababayan natin na nasa tatlumpu’t walong (38) lugar dahil makararanas kayo ng lubhang mataas na heat index o sobrang init ng panahon ang mararamdaman.

Ito ay ang mga sumusunod na lugar –
– Sangley Point, Cavite, 47 degrees Celsius;
– Dagupan City, 46 degrees Celsius;
– Ninoy Aquino International Airport, Pasay City, Subic Bay, Olongapo City, San Jose, Occidental Mindoro, Aborlan, Palawan, at Roxas City, Capiz, 45 degrees Celsius;
– Tuguegarao City, Cagayan, Science City of Muñoz, Nueva Ecija, Tanauan City, Batangas, Puerto Princesa City, Palawan, Virac, Catanduanes, at Legaspi City, Albay, 44 degrees Celsius;
– Quezon City, Bacnotan, La Union, Aparri, Cagayan, Echa­gue, Isabela, Iba, Zambales, Clark Airport, Pampanga, Baler, Aurora, Mulanay, Calapan City, Oriental Mindoro, Quezon, Pili, Camarines Sur, Iloilo City, Dumangas, Iloilo, Catarman, Northern Samar at Zamboanga City, 43 degrees Celsius;
– Laoag City, Ilocos Norte, Casiguran, Aurora, Alabat, Quezon, Infanta, Quezon, Tayabas City, Quezon, Coron, Palawan, Masbate City, Masbate, Tacloban City, Guiuan, Eastern Samar, Cotabato City at Davao City, 42 degrees Celsius;
Pinapayuhan ang lahat na iwasan muna ang paglabas ng inyong mga tahanan o kung kinakailangan ay proteksyunan ang sarili mula sa matinding init mula alsa-diyes ng umaga hanggang alas-kuwatro ng hapon.

Pero ang mga bata, nakatatanda, at may comorbidities, manatili sa inyong tahanan.