Home HOME BANNER STORY Lolo tigok sa sinturon ni Hudas

Lolo tigok sa sinturon ni Hudas

MANILA, Philippines – Patay ang 78-anyos na lolo mula sa Central Luzon matapos sindihan ang sinturon ni Hudas, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Sabado, Disyembre 28.

“78-year-old male po si Lolo na pasyente, active involvement po – nagsindi ng Judas belt. Naospital noong December 22, binawian ng buhay December 27. Taga Central Luzon po,” pahayag ni DOH Assistant Secretary Dr. Albert Domingo.

Hanggang nitong Disyembre 28, 2024, naitala ng DOH ang kabuuang 125 fireworks-related injuries, sa 24 bagong kaso.

Ang kaso ng mga naputukan ngayong taon ay 29% na mas mataas kumpara sa 97 kaso na naitala noong 2023.

Ani Domingo, karamihan sa mga naputukan ay mula sa Metro Manila, Central Luzon, Cagayan Valley, Western Visayas, Ilocos at Central Visayas.

Sa 125 biktima, 102 ang 19-anyos pababa.

Patuloy na magmomonitor ang DOH ng anumang fireworks-related injuries at nanawagan sa publiko na iwasang gumamit ng fireworks sa pagsalubong sa Bagong Taon.

“Kahit legal ang fireworks, delikado pa rin. Bomba pa rin yan. Sumasabog. Nakamamatay. Iwas paputok na po tayo para sa ating buhay,” sinabi ni Domingo. RNT/JGC