Home NATIONWIDE Long-term strategy sa healthcare, pinalilikha sa DOH: ‘Cosmetic solutions ibasura’

Long-term strategy sa healthcare, pinalilikha sa DOH: ‘Cosmetic solutions ibasura’

Inatasan ng Senate committee on finance ang Department of Health (DOH) na magbalangkas ng pangmatagalang national strategy sa healthcare sa halip na gamitin ang “cosmetic solutions” na nagpapadiskaril sa kalusugan ng mamamayan.

Sa ginanap na deliberasyon ng P297.6 bilyong badyet ng DOH sa 2025, sinabi ni Senadora Pia Cayetano na kailangan tutukan ng DOH ang preventive healthcare at itaguyod ang health lifestyle sa lahat ng Filipino.

Bilang senior vice chairman ng finance, hinimok din ni Cayetano ang DOH na iwasan ang panandaliang solusyon at pagtuunan ang pagbabalangkas ng pangmatagalang estratehiya sa national healthcare alinsunod sa Sustainable Development Goal (SDG) 3 hinggil sa “Good Health and Well-Being”.

“We cannot just save lives at the last minute,” ani Cayetano. “What are we doing to help more people enter their senior years in a healthy state of mind and body?”

Sa gitna ng deliberasyon, nakatanggap ang Subcommittee ng update tungkol sa ilang mahahalagang inisyatiba sa imprastraktura ng kalusugan na natapos noong 2023, na isinulong ng mambabatas sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP) ng DOH.

Kabilang sa ulat ang pagkumpleto ng 1,531 bagong pasilidad tulad ng superhealth center at tertiary hospitals, medical equipment tulad ng mammogram na may biopsy, at ambulansya.

Ilan sa iba pang mahahalagang programa at proyekto na sinimulan ng gobyerno na sinuportahan ni Cayetano ang Lung Transplant Program, Early Detection of Lung Cancer, at Biobanking sa ilalim ng Lung Center of the Philippines (LCP); ang Advance Comprehensive Center for Pediatric Brain and Spine Pediatric Cancer Center ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC); at Digital Cardiac MRI at pag-upgrade ng Hospital Information System ng Philippine Heart Center (PHC).

Nagtanong din ang Senadora tungkol sa iba’t iba pang mga isyung kinahaharap sa healthcare, kabilang ang nakabinbing health emergency allowances para sa mga healthcare workers at frontliners, delays sa pagpapatupad ng iba pang proyektong pang-imprastraktura sa kalusugan, update sa vaccination programs at reproductive health, at kakulangan sa healthcare workers.

Natalakay din ang pagpapalawig sa pondo ng PhilHealth, at ang isyu ng paglilipat ng sobrang pondo nito sa Bureau of Treasury.

Sa pagtatapos ng budget hearing, muling pinagtibay ng senadora ang pangakong pagbutihin pa ang sistema ng healthcare sa bansa.

Binigyang-diin ng mambabatas ang pangangailangan sa isang paradigm shift mula sa reactive patungo sa proactive healthcare, at hinimok ang DOH at kaakibat na ahensiya na pagplanuhan ang pangmatagalan at sustainable na solusyon.

“Our goal should be to create a healthcare system that not only treats illnesses but actively promotes wellness,” pagtatapos ni Cayetano. Ernie Reyes