Home HOME BANNER STORY Lopez nangakong ipagpapatuloy, palalakasin mga reporma sa DPWH

Lopez nangakong ipagpapatuloy, palalakasin mga reporma sa DPWH

1
0

MANILA, Philippines – Nangako si bagong talagang Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Giovanni Lopez na ipagpapatuloy at palalakasin ang mga reporma sa kagawaran sa gitna ng mga isyu ng korapsyon.

Itinalaga si Lopez na mamuno sa DPWH kasunod ng pinakahuling pagbabago sa Gabinete. Pinalitan niya si Secretary Vince Dizon, na siya namang bumalik sa Department of Transportation (DOTr) bilang kalihim.

Ayon kay Lopez, mahalagang mapanatili ang mga reporma anuman ang maupong pangulo o kalihim ng ahensya. Ipinaliwanag niyang may dalawang bahagi ang pagbabago sa isang institusyon: pagbabago sa sistema at pagbabago sa kultura ng organisasyon.

Dahil nauna nang binigyang-prayoridad ni Dizon ang pagbabago sa sistema ng DPWH, sinabi ni Lopez na kailangang palakasin naman ang pagbabago sa kultura ng mga opisyal at kawani.

“Itong cultural change na sinasabi ko po ay hindi lang para sa kalihim, ito ay mas importante sa mga tao, kawani ng kagawaran na matagal nang nagtrabaho sa DPWH. Sana magtulungan tayo na manumbalik yung pagtitiwala ng taumbayan sa DPWH at ayun po ang gagawin natin,” ani Lopez.

Dagdag niya, kailangang maibalik ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng pagpapahusay sa pagbabadyet, procurement at pagpapatupad ng mga proyekto.

“Ang mga reporma, andyan na po, ang kailangang gawin ngayon ay araw araw na gagawin nating tama ang proseso,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Dizon na hindi maaantala ang mga reporma sa kabila ng pagpapalitan nila ng posisyon.

“Bibilis pa, mas magaling pa si [Secretary Giovanni] kaysa sa akin. He understands systems,” ani Dizon, na nagpahayag ng tiwala sa kakayahan ni Lopez.

Gayunman, aminado si Dizon na marami pang kailangang gawin dahil hindi pa ganap na natatapos ang mga reporma sa malaking ahensya.

Ipinasa rin ni Dizon kay Lopez ang makapal na mga dokumentong naglalaman ng pangalan ng mga opisyal at kawani ng DPWH na posibleng matanggal sa puwesto dahil sa umano’y pagkakasangkot sa mga iregularidad.

Ayon kay Dizon, maaaring lumampas sa 80 ang mga pangalang nasa listahan, bukod pa sa mahigit 80 empleyadong natanggal na mula nang maupo siya sa puwesto noong Setyembre ng nakaraang taon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here