Home NATIONWIDE P3.34B bawas-budget sa State Univeristies, tinuligsa ng grupo

P3.34B bawas-budget sa State Univeristies, tinuligsa ng grupo

1
0

MANILA, Philippines – Mariing tinutulan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines ang panukalang bawasan ng P3.34 bilyon ang pondo ng mga State Universities and Colleges (SUCs) sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP).

Ayon sa grupo, habang binabawasan ang badyet para sa edukasyon, naglaan naman ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng P10.8 bilyon para sa Confidential and Intelligence Funds (CIF), kabilang ang P4.56 bilyon para sa Office of the President. Nakatakda ring tumaas nang P22 bilyon ang badyet ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kung saan P16 bilyon ang para sa Philippine National Police (PNP).

Sa 116 SUC sa bansa, 49 ang makakaranas ng direktang bawas-badyet, habang pito ang makatatanggap lamang ng dagdag na mas mababa sa 1%.

Pinakamalaki ang bawas sa University of the Philippines (UP) System na halos P2.95 bilyon, na ayon sa ACT ay makaaapekto rin sa pondo ng Philippine General Hospital (PGH).

Kabilang din sa mga apektadong institusyon ang Philippine Normal University (PNU), na babawasan ng P394.9 milyon o 25.26%, at Polytechnic University of the Philippines (PUP), na mababawasan ng P291.8 milyon.

Kabilang sa mga regional university na makakaranas ng malalaking bawas ang Mariano Marcos State University na P506.3 milyon, Isabela State University na P229.3 milyon, Biliran Province State University na P210.9 milyon, at Leyte Normal University na P160.4 milyon. Marami sa mga ito ang haharap sa bawas na halos 25% o higit pa.

Ayon sa ACT, kaayon umano ng pagbabawas ng pondo ang pagtulak ng pamahalaan sa public-private partnership (PPP) sa mga pampublikong pamantasan, kabilang ang panukalang National Teachers University (NUTE) na naglalayong gawing komersiyal ang PNU.

“Pinapatay ng gobyerno ang ating mga pampublikong pamantasan at kolehiyo habang ipinagmamalaki ang libre kunong edukasyon. Paano magiging libre at de-kalidad ang kolehiyo kung tinatapyasan nang bilyon-bilyon ang pondo ng UP, PUP, PNU, at mga pampublikong kolehiyo sa mga rehiyon? Ang pagtitipid sa edukasyon ay direktang pagkakait sa karapatan ng kabataang Pilipino na makapag-aral habang. Kasabay nito ang pagtalikod sa tungkuling bigyan ng disenteng sweldo at sapat na benepisyo ang mga guro at kawani, siguruhin ang regularisasyon ng mga kontraktwal na empleyado, pondohan ang makataong promosyon, at punan ang mga kakulangan lalo na sa mga guro at pasilidad sa mga kolehiyo at pamantasan,” ayon kay Bernardo.

Kinuwestiyon din ng grupo ang malaking pagkakaiba ng pondo para sa edukasyon at ng inilaan para sa mga discretionary fund ng pangulo, mga programang kontra-insurhensiya at mga puwersang panseguridad ng estado.

“Habang binabawasan ang pondo ng edukasyon, busog na busog naman sa bilyun-bilyong confidential and intelligence funds ang Malacañang, DND at DILG para sa militarisasyon at panunupil. Hindi kakulangan sa pera ang problema ng bansa, kundi maling prayoridad. Ang pera ng bayan ay dapat napupunta sa serbisyong panlipunan, hindi sa bulsa ng mga pulitiko o pondo para dahasin ang mamamayan,” diin ni Bernardo.

Hinimok ng ACT ang mga mambabatas na ibasura ang lahat ng panukalang bawas-badyet, ibalik ang P3.34 bilyong kaltas sa 49 apektadong SUC, alisin ang lahat ng confidential fund, bawasan ang pondo para sa mga programang militarisasyon at discretionary spending, at ilipat ang pondo sa mataas na edukasyon at iba pang batayang serbisyong panlipunan. DANNY QUERUBIN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here