Home NATIONWIDE LPA, mataas-tsansa maging bagyo; weekend uulanin

LPA, mataas-tsansa maging bagyo; weekend uulanin

53
0

MANILA, Philippines – Posibleng maging ganap na tropical depression sa loob ng 24 oras ang low-pressure area (LPA) na mino-monitor sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at maaaring magdulot ng pag-ulan dulot ng habagat pagsapit ng weekend, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration nitong Lunes.

Ayon kay PAGASA weather specialist Grace Castañeda, huling namataan ang LPA may 1,530 kilometro silangan ng northeastern Mindanao nitong Lunes ng hapon.

“Tumataas na po ‘yung possibility nito na maging isang ganap na tropical depression within the next 24 hours and posible po itong pumasok sa loob ng ating Area of Responsibility this coming weekend, either by Friday po ‘yan or Saturday,” ani Castañeda.

Sinabi niya na nananatiling pabago-bago ang galaw ng sama ng panahon ngunit inaasahang kikilos ito pakanluran-hilagang kanluran bago tuluyang lumihis pahilaga sa karagatan silangan ng bansa.

Ayon sa PAGASA, maaari ring hilahin ng LPA ang southwest monsoon o habagat na posibleng magdala ng pag-ulan sa malaking bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao lalo na sa western sections.

“Nakikita po natin na sa pagpasok po nitong LPA na ito is posible din po nitong ma-trigger ‘yung southwesterly o ‘yung habagat po natin,” dagdag ni Castañeda.

Patuloy na nakararanas ng pag-ulan ang ilang lugar dahil sa trough o extension ng LPA habang inaasahan din ang kalat-kalat na pag-ulan sa Palawan, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Soccsksargen, Lanao del Norte, at Misamis Occidental dahil sa southwesterly wind flow.

Nagbabala rin ang PAGASA na posibleng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa ang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa mga maaapektuhang lugar.

Samantala, makararanas pa rin ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rain showers at thunderstorms dulot ng easterlies at localized thunderstorms.

Batay sa historical data ng PAGASA, karaniwang nagsisimula ang panahon ng habagat o tag-ulan sa pagitan ng Mayo 16 hanggang Hunyo 15. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here