MAY mga nagsasabi, mula mismo sa ilang senador, na nasira na umano ang dignidad o dangal ng Senado dahil sa rigodon o pagpapalit ng liderato rito mula kay dating Senate President Tito Sotto tungo kay ngayo’y Senate President Alan Peter Cayetano at pagpapalit na rin ng pamunuan ng iba’t ibang komite rito.
Para naman sa iba, nasira ang dangal ng institusyon o ahensya makaraang mabuking ang malalaking pagtatakip o pagbalahura sa katotohanan sa anomalya sa P1.3-P1.7 trilyong korapsyon at pandarambong sa flood control at iba pang bilyon-bilyong piso ring iskam sa programa sa kalusugan, edukasyon, insurance, transportasyon at marami pang iba.
Anila, ngayong bago na ang mga pamunuan at kung muli nilang tatanggalin ang mga pagtatakip sa nasabing mga korapsyon at pandarambong, diyan na muli maibangon ang dignidad ng Senado.
Kabilang sa mga pinakamahalagang hakbang, anila, upang maibalik ang nasirang dangal ng Senado ang agarang pagtanggal ng pagtatakip o pagbalahura sa mga imbestigasyon sa nasabing mga iskam, partikular sa flood control program.
At maisasakatuparan ito ng Senate Blue Ribbon Committee kung muli nitong pasimulan sa pinakamaagang panahon ang pag-imbita, halimbawa, sa 18 Marines at sundalo na naglantad ng male-maletang kikbak sa flood control program na idineliber o ibinigay sa mga pinagkamakapangyarihan at pinakamatataas na opisyal ng Kamara at Palasyo.
Isama ring imbitahan ang mga maglolong dating Executive Secretary Lucas Bersamin at Adrian Bersamin, dating Education Undersecretary Trygve Olaivar, dating Budget Secretary Aminah Pangandaman, dating Public Works Secretary Manuel Bonoan, dating Congressman Zaldy Co, dating Ilocos Sur Chavit Singson at iba pa na posibleng makapagbibigay-linaw nang husto sa kung sino-sino ang mga mastermind sa pinakamalaking korapsyon at pandarambon.
Pinahihintulutan ng patakaran ng Senado ang pagkakaroon ng tuloy-tuloy na imbestigasyon kahit pa magkaroon ng recess ang Kongreso na nakaiskedyul mula sa Hunyo 5 hanggang Hulyo 26, 2026.






