BATAY sa mga opisyal na pahayag, magsisimula na sa Hulyo 6 ang ‘Impeachment Trial’ sa Senado ni Vice President Sara Duterte. Gagawin ito panahong nasa pangil tayo ng krisis sa kabuhayan at kawalan ng pag-asa.
Marami na namang magkakukwarta sa hanay ng midya at magpasisikat na mga indibidwal bilang mga ‘political/legal experts, sa ngalan ng ‘public interest’ at ‘public education’ na ang tunay na kahulugan ay “trial by publicity.”
Nakita na natin lahat ito sa naging impeachment ni dating Pangulong Erap Estrada at CJ Renato Corona. May “ebidensya” ba talaga laban sa kanila? Wala.
“Gumanda” naman ba ang buhay natin pagkatapos? Hindi. May nangyari bang “reporma” sa ating pulitika at pamumuno? Wala.
Tumaas ba ang tiwala sa atin at kredibilidad natin sa ‘international community?’ Hindi rin. Naging katawa-tawa pa nga tayo dahil nakita ng buong mundo kung gaano “kabulok” ang ating pulitika.
Ano man ang sinasabi ng mga “atat na atat” sa impeachment, may isang bagay na hindi dapat kalimutan ng sino man:
Ang impeachment ay isang pulitikal na proseso (political exercise) at “dekorasyon” na lang ang ano mang “ebidensya” na ipapakita sa publiko.
Ang tanging layunin ng impeachment ay alisin sa poder ang isang opisyal na banta sa mas malaking interes ng mga naghaharing-uri at mga elitistang “nasarapan” na sa kapangyarihan.
Kumbaga, hindi ang “ebidensya” kundi ang ‘political agenda’ at ‘political interest’ ng mga nasa poder ang pagbabatayan sa pagdinig ng Impeachment Court at kahit ng mga miyembro nito—ang mga senador—na lahat ay politiko.
Walang pakialam ang impeachment sa mas malaking interes ng ordinaryong mamamayan na nasa “kumunoy” ng kahirapan, pagsasamantala at pagkawala ng kanilang soberanya.
Hindi tayo pabor sa impeachment partikular na kung gagawin ito sa ilalim ng isang sistemang sobrang korap katulad ng sitwasyon natin ngayon.
Malinaw kasi na hindi “hustisya” at ‘accountability’ ang layunin ng impeachment. Dito sa atin, ang impeachment ang ipokritong paraan ng mga korap at swapang sa kapangyarihan na manatili sa poder, period!






