MANILA, Philippines – Isang low pressure area (LPA) ang namataan 310 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar nitong Martes, ayon sa PAGASA.
Sa forecast para sa Miyerkules, Hulyo 29, magdadala ang LPA ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Eastern Visayas, Central Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Catanduanes, Masbate, Albay, at Sorsogon.
Dahil naman sa easterlies, makakaranas ng kaparehong panahon ang natitirang bahagi ng Bicol Region, habang Cagayan Valley, Aurora, at Quezon ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorm.
Sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorm dulot ng localized thunderstorms.
Inaasahan din ang mahina hanggang katamtamang hangin at bahagya hanggang katamtamang pag-alon sa mga karagatan sa buong bansa. RNT/MDS