MANILA, Philippines – DAHIL sa pananalasa ng sunod-sunod na bagyo sa bansa, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go na dapat nang maipasa ang mga pangunahing hakbang sa lehislatura upang maging handa ang Pilipinas sa kalamidad at matugunan ang kakulangan sa pagresponde.
Binanggit ang legislative measures gaya ng Ligtas Pinoy Centers bill at ang panukalang Department of Disaster Resilience (DDR), idiniin ni Go ang agarang aksyon sa mga ito, lalo’t nahaharap ang bansa sa madalas at lumalakas na mga bagyo.
“Ang dami nang nasasalanta, ang dami nang nawalan ng tahanan. Kapag ganito, hindi na tayo pwedeng mag-antay pa. Kailangang kumilos tayo agad para sa mas maayos, mas malinis, at mas ligtas na evacuation centers sa bawat komunidad,” sabi ni Go.
Nag-landfall ang Bagyong Pepito sa Panganiban, Catanduanes, noong Nobyembre 17, na nagdala ng maximum sustained winds na 185 kph at nagdulot ng malawakang paglikas. Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na ang Bagyong Pepito, kasama ang mga naunang bagyo tulad ng Nika at Ofel, ay sama-samang nakaapekto sa mahigit 295,576 pamilya sa maraming rehiyon. Habang walang naitalang namatay, 11 indibidwal ang nasugatan, at libu-libo ang lumikas.
Bago ang Pepito, sinalanta ng Bagyong Kristine, Leon, at Marce ang bansa, kung saan umaabot sa mahigit 168,000 indibidwal ang nagbakwit at mahigit 9.6 milyon katao ang apektado.
Ang mga naunang bagyong ito ay kumitil sa 162 buhay, nag-iwan ng 137 sugatan, at 22 ang nananatiling nawawala.
Bilang punong may-akda at co-sponsor ng Senate Bill No. 2451 o ng Ligtas Pinoy Centers Act, sinabi ni Go na ang panukala ay naipasa kamakailan sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado. Kung maisasabatas, iaatas ang pagtatatag ng permanente at kumpleto sa gamit na evacuation center sa mga lokalidad sa buong bansa.
Bilang unang nag-file ng panukalang ito, nakita ni Go na hindi sapat ang pansamantalang paggamit sa mga basketball court, covered court, o mga eskwelahan dahil hindi ito tugma sa pangangailangan ng evacuees, lalo sa mga bata at matatanda.
Ikinalungkot ng senador na masama ang kalagayang dinaranas ng mga bakwit sa mga pansamantalang silungan na kadalasan ay siksikan at walang sanitasyon.
Sinabi ni Go na ang mga evacuation center ay kailangang may mahahalagang pasilidad tulad ng malinis na sanitasyon, sapat na sleeping arrangement, at emergency supplies.
Patuloy ding ipinaglalaban ni Go ang Senate Bill No. 188 na naglalayong lumikha ng Department of Disaster Resilience. Ang iminungkahing DDR ay magsesentralisa at magpapabilis sa paghahanda sa sakuna, pagtugon, at pagsisikap sa pagbangon sa ilalim ng isang nakatutok na ahensya.
Ipinunto niya na ang Pilipinas na matatagpuan sa Pacific Ring of Fire at sa landas ng mga bagyo, ay nananatiling isa sa mga bansang may pinakamaraming sakuna sa mundo.
Ang DDR, aniya, ang magtitiyak ng mas sistematiko at mas mabilis na pagtugon sa mga natural na kalamidad at pagpapabilis ng pagrekober.
“Kapag may dedicated department na cabinet-level ang pamumuno, mas mabilis ang aksyon. Hindi lang ito council o task force. Totoo pong maaasikaso agad ang pangangailangan ng mga biktima,” idiniin ni Go. RNT