Home NATIONWIDE LTFRB nag-isyu ng show cause order vs drayber na namahiya ng pasahero

LTFRB nag-isyu ng show cause order vs drayber na namahiya ng pasahero

MANILA, Philippines – Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa isang jeepney driver na namahiya ng isang pasahero.

Ang drayber ng sasakyan na may plakang NWJ 221 na nakarehistro sa ilalim nina Flora Magtibay at Romeo Guerroro ng Double A Transport Corporation, ay ipinatawag sa opisina ng LTFRB para sa pagdinig na itinakda sa Hunyo 14, 2:30 ng hapon.

“Failure on your part to appear before this Board on the date mentioned above shall be considered a waiver on your part to be heard, and this case shall be decided on the basis of the evidence presented and the records of the Board,” saad sa kautusan ng LTFRB na may petsang Hunyo 10.

Sa viral TikTok video na inilabas noong Hunyo 8, sinabi ng complainant na si Joy Gutierrez na sinigawan siya ng drayber ng jeepney na kanyang nasakyan at pinababa pa.

Dagdag pa sa caption, pinababa umano siya ng jeepney dahil sa kanyang timbang.

“Bigla nalang sinabi ng driver na dapat daw akong bumaba. ‘Bawal daw ang mataba sa jeep niya,’ sabi niya,” aniya.

May 5.6 million views na ang video sa TikTok. RNT/JGC