MANILA, Philippines – Matinding sinopla ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa banta nitong babawiin ang prangkisa ng sinumang operator na hindi lalahok sa isang korporasyon o kooperatiba.
Sa pahayag, sinabi ni Escudero na walang kapangyarihan ang LTFRB na bawiin ang anumang prangkisa dahil nakatakda sa 1987 Constitution na tanging Kongreso lamang ang puwedeng bumawi nito.
Tinutukoy ni Escudero ang probisyon sa public transport modernization program (PTMP) na kailangan lumahok o sumanib ang sinumang drayber at operators sa isang korporasyon o kooperatiba bago bigyan ng prangkisa.
“Ang franchise ay delegated lamang ng Kongreso sa LTFRB. Hindi nila pag-aari and kapangyarihang ito, maliban sa [kung] pinasa lamang sa kanila ng Kongreso. At sa paniniwala ko, hindi dapat ginagawa ng LTFRB ito,” ayon kay Escudero sa I press conference.
Naunang nakipagpulong si Escudero sa ilang transport leaders mula sa Manibela at PISTON, na tumututol sa programa dahil sa sobrang taas ng halaga ng sasakyan at iba pang kadahilanan.
Binanggit ni Escudero ang “Article 12, Section 11 of the Constitution states that ”no franchise, certificate, or any other form of authorization for the operation of a public utility will be granted except to citizens of the Philippines or to corporations or associations organized under the laws of the Philippines, at least sixty per centum of whose capital is owned by such citizens; nor will such franchise, certificate, or authorization be exclusive in character or for a longer period than fifty years.”
Sinabi pa ng Senate chief na “neither will any such franchise or right be granted except under the condition that it shall be subject to amendment, alteration, or repeal by the Congress when the common good so requires.”
“Hindi dapat ginagawa ng LTFRB ito dahil pag klarong pamimilit lamang ito sa isang proyekto na hindi pa naman talaga nilang lubusan na naipapatupad,” ayon kay Escudero.
Aniya, kung walang kapangyarihan ang LTFRB, hindi dapat isubo ng ahensiya ang PTMP program sa drivers at operators sa panggigipit sa kanilang prangkisa sa consolidation.
“Naniniwala ako na hindi dapat namimilit ang gobyerno bilang mga magulang ng ating mga mamamayan. Dapat kinukumbinsi at tinutulungan tungo sa nais nating landas kaugnay ng modernization ng PUV. Una [sa lahat], sang-ayon ko sa posisyon ng marami sa kanila na ang prangkisa ay personal sa kanila,” aniya.
“Franchise should not be exclusive to consolidated cooperatives, especially if there are issues that all members of a certain cooperative do not always agree on. Dahil parang nahohostage na iyong mga miyembro ng kooperatibang ito,” giit pa ni Escudero.
Idinagdag pa ng senador na hindi pa naman 100 porsiyentong kumpleto ang PTMP dahil hindi pa natatapos ang route plan.
“Until the route plan is finalized nationwide at hanggat hindi pa maliwanag kung sino-sino nga ba magbabiyahe sa kada rotang ito, hindi dapat pigilan mag rehistro ang mga mga jeep na hindi pa nagco-consolidate o sumasama sa kooperatiba,” aniya.
Bukod dito, binanggit din ni Escudero na hindi sapat ang PUV na pumapasada sa ating lansangan upang tugunan ang pangangailangan ng pasahero.
“They say 83% of PUVs are consolidated. Hindi totoo ‘yan. I will ask them (Department of Transportation and LTFRB) about that,” aniya.
Nakatakdang makipagpulong si Escudero sa opisyal ng Transportation department, LTFRB at Cooperative Development Authority upang pag-usapan ang lahat ng isyu na inilatag ng transport group at makahanap ng pagkakasunduan.
“Bakit natin pipilit ito roon sa iba pa. Hangga’t hindi natin napapatunayan na uubra ito, huwag natin ipilit ito. ‘Yun ang posisyon ng Senado,” ayon kay Escudero. Ernie Reyes