MANILA, Philippines – Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bus driver na nakuhanan sa video na nagmamaneho nang walang pag-iingat sa expressway.
Nag-isyu ng magkahiwalay na show cause orders (SCOs) ang dalawang ahensya laban sa bus driver at kompanya ng bus na pinagtatrabahuhan nito.
Sa video, makikita ang bus na agresibong nagpapalit ng linya at nagmamaneho malapit sa isang trak sa expressway.
Sa pahayag, sinabi ng LTO na inatasan na nito ang registered owner ng bus at bus driver na humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division (IID) para sa pagdinig.
Inatasan ang mga ito na magdala ng mga dokumento na may kinalaman sa bus at magpasa ng notarized explanation kung bakit hindi dapat parusahan ang drayber ng bus sa reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Maaari ring masuspinde o mabawi ang lisensya nito dahil sa kanyang naging aksyon.
Samantala, kailangan ding magpaliwanag ng registered owner ng bus kung bakit hindi siya dapat kasuhan sa pagtanggap ng isang reckless driver at sa breach of franchise.
Bago rito, sinuspinde na ng 90 araw ang driver’s license ng bus driver at inilagay sa alarma ng LTO ang bus.
Ang bigong pagharap ng mga respondent ay magkokonsidera ng kanilang pagsuko ng karapatan na mapakinggan at reresolbahin ng LTO ang kaso batay sa mga ebidensyang nakalap.
“Walang negosyo o indibidwal na pwede balewalain ang mga batas trapiko – bawat iresponsableng galaw ay naglalagay ng buhay ng bawat motorista sa panganib, at ipatutupad namin nang mahigpit ang mga regulasyon ng batas trapiko para sa proteksyon ng ating mamamayan,” pahayag ni LTO chief at Transportation Assistant Secretary Markus Lacanilao.
“I saw the video and there is clearly a violation on the part of the bus driver. We are now investigating to determine if the bus was carrying passengers at the time of the incident,” saad sa hiwalay na pahayag ni LTFRB chair Vigor Mendoza II. RNT/JGC