Home NATIONWIDE LTO: Pasong rehistro impound agad!

LTO: Pasong rehistro impound agad!

MANILA, Philippines – Simula sa Agosto, ipatutupad ng Land Transportation Office (LTO) ang pag-impound ng mga sasakyan na may mga expired na lisensya dahil sa hirap na silang makiusap sa mga may-ari ng sasakyan na tuparin ang kanilang obligasyon dito.

Ayon sa talaan ng LTO chief, Assistant Secretary Vigor D. Mendoza, noong Nobyembre 2023, mahigit sa 60% ng mga sasakyan sa bansa ay paso ang lisensya at marami rin ang hindi rehistrado ng matagal na panahon.

Sinimulan ni Mendoza ang mga hakbang upang kumbinsihin ang mga mayroong sasakyan na i-renew ang rehistro ng kanilang mga sasakyan, kabilang ang mga tradisyonal na kampanya na paggamit ng mga tarpaulin sa mga opisina ng LTO at iba pang litaw na lugar, at paggamit ng iba’t ibang social media platforms.

Nagtakda pa ang LTO ng mga espesyal na fast lane para sa renewal ng rehistrasyon ng sasakyan sa iba’t ibang opisina nito—gayunpaman, hindi ito naging matagumpay.

Kaya’t ngayon ay mahigpit na ipapatupad ng LTO na mag-impound ng sasakyang hindi rehistrado, partikular na ang maraming taon nang paso ang rehistro. Higit pa dito ay magkakaroon ng P10,000 na multa.

Bukod sa hindi pagkakarehistro ng sasakyan, tinitignan din ng LTO ang “road worthiness” ng sasakyan upang maging basehan ng pag-impound. RNT/MND