MAGANDA ang pag-uulat na inilahad ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa natapos nitong Quarterly Accomplishment Report for CY 2024 noong April 29, 2024.
Naipresinta kasi ng NTF-ELCAC National Clusters at Joint Regional Task Forces ang mahahalaga nitong narating sa kampanya laban sa mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF.
Isa na rito ang malaking pagkakaisa ng mga ahensya ng pamahalaan at mga local government unit tungo sa pagbubuwag ng mga guerilla front, ang pagre-recruit ng mga damuho at ang
paglalatag naman ng development projects tulad ng Support to Barangay Development Projects o SBDP, ang flagship project ng NTF-ELCAC.
Sa tatlong-araw na kaganapang iyon, pinangunahan ni Undersecretary Ernesto C. Torres Jr., Executive Director ng National Secretariat ng NTF-ELCAC, kasama na ang iba pang mga director ang paghihimay ng accomplishments ng task force, kung ang mga ito ay naaayon sa ‘roadmap’ na kanilang tinatahak.
Ibinahagi rin nila ang mga hamon, mga isyu at mga solusyon sa hinaharap, upang mapagtagumpayan ang kanilang laban.
Nakibahagi rin si National Security Adviser at NTF-ELCAC Vice Chairperson, Secretary Eduardo M. Año na pinasalamatan ang task force sa pagsusumikap nito na makamit ang tunay na kapayapaan sa mga kanayunan at sa bansa.
“Let us remain steadfast in our resolve and hard at work in our shared commitment as architects of a harmonious future,” ayon kay Año.
Inihayag din ng kalihim ang pagtangkilik sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa pakikiisa ng mga ito sa layunin ng chairman ng NTF-ELCAC, walang iba kundi si Pangulong Bongbong Marcos.
Inihabilin din ni Año, bago magtapos ang kaganapan, na ipagpatuloy ng lahat ang pagkakaisang ito upang tunay na wakasan na ang panggugulo ng mga CPP-NPA-NDF sa bansa.
Ang pagkakaisa nga naman ay nagbubunga ng ibayong lakas at ang tunay na kapayapaan ay nagbubunga naman ng kaunlaran at kaginhawahan.
Kapag nagkagayun, siguradong makikita natin ang iba pang potensyal para sa pinakamamahal nating Inang Bayan – ang Pilipinas.