KUNG tinutukan n’yo noong nakaraang linggo ang congressional hearing kung saan nagisa ang dating hepe ng Cebu City Police na si Royina Garma, madali lang na makisimpatiya sa kaalyadong ito ni Duterte na napaluha habang nagkukwento tungkol sa mga hirap na nararanasan niya bilang magulang.
Pero teka. Bago pa tayo maantig sa kanyang kwento bilang ina sa anak na problemado sa mental health, huwag nating kalilimutan ang dahilan kung bakit sumalang siya sa imbestigasyon ng Kamara.
Inaakusahan si Garma sa krimeng hindi karaniwang kinasasangkutang ng tipikal na tiwaling pulis. Itinuro siya ng aminadong hitman na si Arturo Lascañas bilang isa sa mga nagmamando sa kilabot na Davao Death Squad, na inuutusang magsagawa ng extrajudicial killings (EJKs).
Ang testigo sa isa sa mga kasong ito, si Raquel Lopez — ina ni Rabby Lopez, na napatay sa police operation sa Cebu City noong 2018 habang si Garma ang hepe ng pulisya sa lungsod — nagkwento tungkol sa nakapanghihilakbot na inasal daw ni Garma sa burol ng kanyang anak.
Ayon kay Lopez, galit na napasugod sa lamay si Garma at mga tauhan nito. Nagalit dahil ipinagluluksa ng pamilya ang pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay, tinuya pa raw sila ni Garma: “Bakit pinaglalamayan n’yo ‘yang anak n’yo? Bakit isa lang ang patay? Marami silang namatay dito.” Ito ba ang parehong babae na ngayon ay umaamot ng simpatya at pang-unawa sa personal niyang pinagdaraanan?
Hindi masasabing walang basehan ang mga akusasyong ito — bahagi ang mga ito nang nakakikilabot na kwento ng mga pagpatay, na may suporta ng gobyerno, na sumira sa maraming pamilya. Kaya, bagama’t nakakaantig ng damdamin ang emosyonal na pakiusap ni Garma, maging mas realistic tayo sa konteksto nang pagharap niya sa congressional inquiry.
Sa kabila ng lahat, hindi makatutulong ang mga luha ni Garma para mapawalang-sala siya at hindi rin nito magagawang linisin ang sinasabing dugo sa kanyang mga kamay.
Abot-tanaw na ang hustisya
Sa wakas, nababanaag na ang hustisyang karapat-dapat lang na matamo ng Batangas beauty queen na si Catherine Camilon.
Arestado na ang dating police major na si Allan de Castro at driver niyang si Jeffrey Magpantay dahil sa umano’y kaugnayan nila sa pagkawala ng dalaga.
Makalipas ang halos isang taon ng mga pagpapaliban at nabasurang reklamo, dahil sa mahahalagang ebidensiya — dugo at hibla ng buhok na tumugma sa DNA ni Camilon — tinututukan na muli ng korte ang mga suspek na ito.
Matatandaang nagsinungaling na si De Castro habang iniimbestigahan ang relasyon niya kay Camilon. Umalingawngaw ito sa loob ng Senado – at kahit noon pa man, mayroon na siyang “humanitarian” pass mula sa kapwa dating pulis na si Sen. Bato dela Rosa.
Ngayong arestado na si De Castro, asahan nating gugulong na ang hustisya nang walang pinapaboran o kinukunsinti. Dapat nang maliwanagan at maresolba ang misteryo sa paglalaho ni Camilon kasabay nang pagpapatupad ng karampatang batas laban sa mga nagkasala.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).