MANILA, Philippines – Iginiit ni Gerville Luistro, chairperson ng House justice panel, na hindi basta imahinasyon ang mga banta mula sa matataas na opisyal ng gobyerno.
Ginawa ni Luistro ang pahayag sa ikalawang araw ng pagtalakay sa “sufficiency in substance” ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Nakasaad sa mga reklamo ang betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution, kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds at pagbabanta umano laban kay President Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya.
“Threats from high office are never just imagination. They carry weight. They create fear. They can destabilize institutions,” ani Luistro.
Dagdag pa niya: “This Committee is not a forum for fantasy. Hindi ito sinehan. Hindi ito komedya.”
Tinukoy niya ang pahayag ni Bong Suntay ng Quezon City, na nagsabing ang pagnanais umano ng Bise Presidente ay hindi impeachable offense at inihalintulad ito sa isang imahinasyon matapos makakita ng celebrity sa mall.
Binigyang-diin ni Luistro na ang impeachment ay usapin ng constitutional accountability at hindi ng haka-haka.
Samantala, sinabi ni Suntay na ikinalulungkot niya kung may nasaktan sa kanyang pahayag ngunit naninindigan siyang wala siyang maling ginawa. “Maling analogy, hindi nagustuhan ng iba. Well, sorry doon sa mga hindi nakagusto,” aniya. RNT/MND