Home NATIONWIDE Lumolobong kaso ng leptospirosis kayang tugunan ng DOH – exec

Lumolobong kaso ng leptospirosis kayang tugunan ng DOH – exec

MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Health (DOH) nitong Sabado na kakayanin ng health system ng bansa ang tumataas na bilang ng mga kaso ng leptospirosis.

Ayon kay Assistant Secretary Albert Domingo, kayang tugunan ng health system ang mga pasyente na may leptospirosis.

Nagtatag din ang DOH ng hotline para sa mga kaso ng leptospirosis at hinikayat ang publiko na humingi ng atensyong medikal kapag may nararanasang sintomas.

“Mayroon tayong hotline na ipinalabas kahapon, landline (02) 8531-0037; mobile number, 0920-283-2758. ‘Yan ang cellphone number na pwedeng tawagan ng mga doktor at mga pasyenteng may leptospirosis,” sabi ni Domingo.

Tumataas ang bilang ng kaso ng leptospirosis sa mga government hospitals tulad ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at San Lazaro Hospital.

Ginawa na ring leptospirosis ward ang NKTI government dahil sa pagdagsa ng pasyente matapos manalasa ang Tropical Cyclone Carina at Habagat.

Halos 70 indibidwal na dumaranas ng leptospirosis ang na-admit sa NKTI noong Biyernes.

Humiling ang NKTI ng 20 pang nurse at 10 pang doktor mula sa Department of Health (DOH) para tugunan ang kakulangan ng manpower.

Payo ni Domingo sa mga nalantad sa baha at nakararanas ng sintomas na agad magpakonsulta.

Ayon sa DOH, umabot sa mahigit 1,400 ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis mula Hulyo 1 hanggang Hulyo 27.

Inaasahang tataas pa rin ito simula noong naganap ang Bagyong Carina at ang Southwest Monsoon noong Hulyo 24. Jocelyn Tabangcura-Domenden