MANILA, Philippines- Nagbabala ang University of the Philippines (UP) sa mga motorista na inaasahan ang mabigat na daloy ng trapiko sa paligid ng Diliman campus nito sa Quezon City sa pagdagsa ng libo-libong examinees para sa UP College Admission Test (UPCAT) ngayong weekend.
Sa abiso, sinabi ng UP Diliman Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (UP OVCCA) na 23 academic buildings sa campus ang magsisilbing testing centers mula alas-5 ng umaga hanggang alas-6 ng hapon ngayong Sabado hanggang sa Linggo.
“Tinatayang aabutin ng mahigit sa 30,000 examinees sa bawat araw ng pagsusulit ang pupunta sa kampus kaya’t inaasahan ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa loob ng kampus at sa mga kalapit na lugar nito,” batay sa abiso.
“Pinapayuhan ang lahat na humanap ng mga alternatibong ruta,” dagdag nito.
Isinara na ang academic oval sa joggers at mga siklista ngayong weekend.
Sinabi ng UP OVCCA, sa isang memorandum na ipinalabas noong Huwebes na magpapatupad ng 10-second rule sa pagsasakay at pagbababa ng mga pasahero sa designated drop-off points, kung saan ikakasa rin ang “No Parking/No Waiting Policy” sa Academic Oval at tatlong kanto sa UP Diliman.
Pinairal na ang one-way at two-way traffic schemes sa ilang kalsada, habang nagtalaga naman ng parking areas sa loob ng campus.
Tatatanggapin ang mga makakapasang first year college students sa unang semester ng school year 2025-2026.
Ibinalik ang UPCAT noong 2023 matapos mahinto ng tatlong taon dahil sa COVID-19 pandemic. RNT/SA