MANILA, Philippines- Inulat ng Philippine National Railways (PNR) na nakapagtala ito ng 31 insidente kabilang ang vehicular accidents at side-swipe mula nang ipagpatuloy ang operasyon ng tren noong 2023.
Ipinagpatuloy ang biyahe sa Naga City mula sa Ligao City at vice versa noong Hulyo 27, 2023 habang ang mga biyahe sa Legazpi City mula sa Naga City at vice versa ay ipinagpatuloy noong Disyembre 27, 2023.
Mula nang simulan muli ang operasyon, nakapagtala ang PNR ng 18 aksidente sa sasakyan at 13 side-swipe na insidente na kinasasangkutan ng mga indibidwal na nasagasaan ng mga tren.
Ang mga aksidenteng ito ay nagresulta sa 20 pinsala at anim na pagkamatay.
Ayon kay Atty. Celeste Lauta, PNR Officer-in-Charge General Manager, ang pangunahing sanhi ng mga aksidenteng ito ay ang mga motorista na tumatawid sa mga intersection ng tren.
Ayon kay Lauta, nagbibigay ng humanitarian assistance ang PNR Board at nag-iimbestiga.
Aniya, kahit anong kagustohan nilang umiwas sa anumang aksidente, wala naman silang paglilikuan at hindi dadaan kung saan.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Shyanna Juan-Monera, PNR Legal Division manager na dapat laging tandaan na hindi madali para sa board o management na magbigay ng malaking tulong.
Ang rehiyon ng Bicol ay mayroong 89 na awtorisadong tawiran kung saan ligtas na makadaraan ang mga pedestrian at sasakyan kapag walang paparating na tren.
Gayunman, mayroong 75 hindi awtorisadong pagtawid na mas mapanganib.
Isinara ng PNR ang tig-dalawang tawiran sa Albay at Camarines Sur para mapahusay ang kaligtasan.
Plano ng PNR na isara ang 20 pang crossing sa buong rehiyon bago matapos ang 2024. Jocelyn Tabangcura-Domenden